At ito'y kanilang sinabi, na siya'y sinusubok, upang sa kaniya'y may maisumbong sila. Datapuwa't yumuko si Jesus, at sumulat ng kaniyang daliri sa lupa.
Datapuwa't nang sila'y nangagpatuloy ng pagtatanong sa kaniya, ay umunat siya, at sa kanila'y sinabi, Ang walang kasalanan sa inyo, ay siyang unang bumato sa kaniya.
At sila, nang ito'y kanilang marinig, ay nagsialis na isa-isa, na nagpasimula sa katandatandaan, hanggang sa kahulihulihan: at iniwang magisa si Jesus at ang babae, sa kinaroroonan nito, sa gitna.
At sinabi niya, Wala sinoman, Panginoon. At sinabi ni Jesus, Ako man ay hindi rin hahatol sa iyo: humayo ka ng iyong lakad; mula ngayo'y huwag ka nang magkasala.
Muli ngang nagsalita sa kanila si Jesus, na sinasabi, Ako ang ilaw ng sanglibutan: ang sumusunod sa akin ay hindi lalakad sa kadiliman, kundi magkakaroon ng ilaw ng kabuhayan.
Sumagot si Jesus at sa kanila'y sinabi, Bagama't ako'y nagpapatotoo sa akin din, ay totoo ang aking patotoo; sapagka't nalalaman ko kung saan ako nanggaling, at kung saan ako paroroon; datapuwa't hindi ninyo nalalaman kung saan ako nanggaling, o kung saan ako paroroon.
Sa kaniya nga'y kanilang sinabi, Saan naroroon ang iyong Ama? Sumagot si Jesus, Hindi ninyo nakikilala ako, ni ang aking Ama: kung ako'y inyong makilala, ay makikilala rin ninyo ang aking Ama.
Sinalita niya ang mga salitang ito sa dakong kabang-yaman, nang nagtuturo siya sa templo: at walang taong humuli sa kaniya; sapagka't hindi pa dumarating ang kaniyang oras.
Muli ngang sinabi niya sa kanila, Yayaon ako, at ako'y inyong hahanapin, at mangamamatay kayo sa inyong kasalanan: sa aking paroroonan, ay hindi kayo mangakaparoroon.
Sinabi ko nga sa inyo, na kayo'y mangamamatay sa inyong mga kasalanan: sapagka't malibang kayo'y magsisampalataya na ako nga ang Cristo, ay mangamamatay kayo sa inyong mga kasalanan.
Mayroon akong maraming bagay na sasalitain at hahatulan tungkol sa inyo: gayon pa man ang nagsugo sa akin ay totoo; at ang mga bagay na sa kaniya'y aking narinig, ang mga ito ang sinasalita ko sa sanglibutan.
Sinabi nga ni Jesus, Kung maitaas na ninyo ang Anak ng tao, saka ninyo makikilala na ako nga ang Cristo, at wala akong ginagawa sa aking sarili, kundi sinalita ko ang mga bagay na ito, ayon sa itinuro sa akin ng Ama.
Sinabi nga ni Jesus sa mga Judiong yaon na nagsisisampalataya sa kaniya, Kung kayo'y magsisipanatili sa aking salita, kung magkagayo'y tunay nga kayong mga alagad ko;
Sila'y nagsisagot at sa kaniya'y sinabi, Si Abraham ang aming ama. Sa kanila'y sinabi ni Jesus, Kung kayo'y mga anak ni Abraham, ay gagawin ninyo ang mga gawa ni Abraham.
Datapuwa't ngayo'y pinagsisikapan ninyo akong patayin, na taong sa inyo'y nagsaysay ng katotohanan, na aking narinig sa Dios: ito'y hindi ginawa ni Abraham.
Sinabi sa kanila ni Jesus, Kung ang Dios ang inyong ama, ay inyong iibigin ako: sapagka't ako'y nagmula at nanggaling sa Dios; sapagka't hindi ako naparito sa aking sarili, kundi sinugo niya ako.
Kayo'y sa inyong amang diablo, at ang mga nais ng inyong ama ang ibig ninyong gawin. Siya'y isang mamamatay-tao buhat pa nang una, at hindi nananatili sa katotohanan, sapagka't walang katotohanan sa kaniya. Pagka nagsasalita siya ng kasinungalingan, ay nagsasalita siya ng sa ganang kaniya: sapagka't siya'y isang sinungaling, at ama nito.
Sinabi ng mga Judio sa kaniya, Ngayo'y nalalaman naming mayroon kang demonio. Namatay si Abraham, at ang mga propeta; at sinasabi mo, Kung ang sinoman ay tutupad ng aking salita, ay hindi niya matitikman magpakailan man ang kamatayan.
Sumagot si Jesus, Kung niluluwalhati ko ang aking sarili, ang kaluwalhatian ko ay walang anoman: ang aking Ama'y siyang lumuluwalhati sa akin; na tungkol sa kaniya'y sinasabi ninyo, na siya'y inyong Dios;
At hindi ninyo siya napagkilala: nguni't nakikilala ko siya; at kung aking sasabihin, na hindi ko siya nakikilala, ay ako'y matutulad sa inyo, na sinungaling: datapuwa't nakikilala ko siya, at tinutupad ko ang kaniyang salita.