Nang mga panahong nakaraan, sa makatuwid baga'y nang si Saul ay hari, ikaw ang pumapatnubay at nagpapasok sa Israel: at sinabi sa iyo ng Panginoon mong Dios, Iyong aalagaan ang aking bayang Israel, at ikaw ay magiging pangulo ng aking bayang Israel.
Sa gayo'y lahat ng mga matanda sa Israel ay nagsiparoon sa hari sa Hebron; at si David ay nakipagtipan sa kanila sa Hebron sa harap ng Panginoon, at kanilang pinahiran ng langis si David na hari sa Israel, ayon sa salita ng Panginoon sa pamamagitan ni Samuel.
At sinabi ni David, Sinomang sumakit sa mga Jebuseo na una ay magiging pinuno at kapitan. At si Joab na anak ni Sarvia ay sumampang una, at naging pinuno.
Ang mga ito ang mga pinuno ng mga makapangyarihang lalake na nasa kay David, na napakilala na malakas na kasama niya sa kaniyang kaharian, na kasama ng buong Israel, upang gawin siyang hari, ayon sa salita ng Panginoon tungkol sa Israel.
At ito ang bilang ng mga makapangyarihang lalake na nasa kay David: si Jasobam, na anak ng isang Hachmonita, na pinuno ng tatlongpu; siya ang nagtaas ng kaniyang sibat laban sa tatlong daan, at pinatay niya sila na paminsan.
Siya'y kasama ni David sa Pasdammin, at doo'y ang mga Filisteo ay nagpipisan upang bumaka, na kinaroroonan ng isang putol na lupa na puno ng sebada; at ang bayan ay tumakas sa harap ng mga Filisteo.
At sila'y nagsitayo sa gitna ng putol na yaon at ipinagsanggalang, at pinatay ang mga Filisteo; at iniligtas ng Panginoon sila sa pamamagitan ng isang dakilang pagtatagumpay.
At binaba sa malaking bato si David ng tatlo sa tatlongpung pinuno, sa loob ng yungib ni Adullam; at ang hukbo ng mga Filisteo ay humantong sa libis ng Raphaim.
At ang tatlo'y nagsisagasa sa hukbo ng mga Filisteo, at nagsiigib ng tubig sa balon ng Bethlehem na nasa siping ng pintuang-bayan, at kinuha at dinala kay David: nguni't hindi ininom ni David yaon, kundi ibinuhos na pinakainuming handog sa Panginoon.
At sinabi, Huwag itulot sa akin ng aking Dios na aking gawin ito; iinumin ko ba ang dugo ng mga lalaking ito na ipinain ang kanilang buhay sa pagkamatay? sapagka't sa pagpapain ng kanilang mga buhay ay kanilang dinala. Kaya't hindi niya ininom. Ang mga bagay na ito ay ginawa ng tatlong makapangyarihang lalake.
At si Abisai na kapatid ni Joab, siyang pinuno ng tatlo: sapagka't kaniyang itinaas ang kaniyang sibat laban sa tatlong daan, at pinatay niya sila, at nagkaroon ng pangalan sa tatlo.
Si Benaias na anak ni Joiada, na anak ng isang matapang na lalake sa Cabseel, na gumawa ng mga makapangyarihang gawa, ay kaniyang pinatay ang dalawang anak ni Ariel na taga Moab: siya'y bumaba rin naman at pumatay ng isang leon sa gitna ng isang hukay sa panahon ng niebe.
At siya'y pumatay ng isang taga Egipto, na isang lalaking may malaking bulas, na limang siko ang taas; at sa kamay ng taga Egipto ay may isang sibat na gaya ng panghabi ng manghahabi; at binaba niya siya na may isang tungkod, at inagaw ang sibat sa kamay ng taga Egipto, at pinatay niya siya ng kaniyang sariling sibat.