Hebrews 7

Sapagka't itong si Melquisedec, hari sa Salem, saserdote ng Kataastaasang Dios, na siyang sumalubong kay Abraham sa pagbabalik na galing sa paglipol sa mga hari at siya'y pinagpala niya,
Na siya namang binahagihan ni Abraham ng ikasangpung bahagi ng lahat (na kung sasaysayin, una-una, siya'y Hari ng katuwiran, at saka Hari naman sa Salem, na sa makatuwid, ay Hari ng kapayapaan;
Na walang ama, walang ina, walang tandaan ng lahi, at walang pasimula ng mga araw ni katapusan ng buhay man, datapuwa't naging katulad ng Anak ng Dios), ay nanatiling saserdote magpakailan man.
Nilaynilayin nga ninyo kung gaano ang kadakilaan ng taong ito, na binigyan ni Abraham, na patriarka, ng ikasangpung bahagi ng mga pinakamagagaling na samsam.
At katotohanan ang mga sa anak ni Levi na nagsisitanggap ng katungkulang saserdote, ay mayroong utos na kumuha ng ikasangpung bahagi sa bayan ayon sa kautusan, sa makatuwid ay sa kanilang mga kapatid, bagama't ang mga ito ay nagsilabas sa mga balakang ni Abraham:
Nguni't yaong ang talaan ng lahi ay hindi ibinibilang sa kanila ay kumuha ng ikasangpung bahagi kay Abraham, at pinagpala yaong may mga pangako.
Datapuwa't walang anomang pagtatalo ang mababa ay pinagpapala ng mataas.
At dito'y ang mga taong may kamatayan ay tumatanggap ng ikasangpung bahagi; datapuwa't doon ay ang isa, na pinatutunayang nabubuhay.
At sa makatuwid baga'y sa pamamagitan ni Abraham pati si Levi, na tumatanggap ng ikasangpung bahagi, ay nagbayad ng ikasangpung bahagi;
Sapagka't siya'y nasa mga balakang pa ng kaniyang ama, nang ito'y salubungin ni Melquisedec.
Ngayon kung may kasakdalan nga sa pamamagitan ng pagkasaserdote ng mga Levita (sapagka't sa ilalim nito ay tinanggap ng bayan ang kautusan), anong kailangan pa na magbangon ang ibang saserdote, ayon sa pagkasaserdote ni Melquisedec at hindi ibilang ayon sa pagkasaserdote ni Aaron?
Sapagka't nang palitan ang pagkasaserdote ay kinailangang palitan naman ang kautusan.
Sapagka't yaong tungkol sa kaniya ay sinasabi ang mga bagay na ito ay naukol sa ibang angkan, na doon ang sinoma'y hindi naglilingkod sa dambana.
Sapagka't maliwanag na ang ating Panginoon ay lumitaw mula kay Juda; na tungkol sa angkang yao'y walang sinalitang anoman si Moises hinggil sa mga saserdote.
At lalo pang napakaliwanag ito, kung ayon sa anyo ni Melquisedec ay lumitaw ang ibang saserdote,
Na ginawa, hindi ayon sa kautusan ng utos na ukol sa laman, kundi ayon sa kapangyarihan ng isang buhay na walang katapusan:
Sapagka't pinatotohanan tungkol sa kaniya, Ikaw ay saserdote magpakailan man Ayon sa pagkasaserdote ni Melquisedec.
Sapagka't napapawi ang unang utos dahil sa kaniyang kahinaan at kawalan ng kapakinabangan.
(Sapagka't ang kautusan ay walang anomang pinasasakdal), at may pagpapasok ng isang pagasang lalong magaling, na sa pamamagitan nito ay nagsisilapit tayo sa Dios.
At yamang yao'y hindi naging sa walang sumpa:
(Sapagka't sila'y sa katotohanan ay ginawang mga saserdote na walang sumpa; datapuwa't siya'y may sumpa sa pamamagitan niyaong nagsasabi tungkol sa kaniya, Sumumpa ang Panginoon at hindi siya nagsisisi, Ikaw ay saserdote magpakailan man);
Ay gayon din naman si Jesus ay naging tagapanagot sa lalong mabuting tipan.
At katotohanang sila'y marami sa bilang na naging mga saserdote, sapagka't dahil sa kamatayan ay napigil sila ng pagpapatuloy:
Datapuwa't siya, sapagka't namamalagi magpakailan man ay may pagkasaserdote siyang di mapapalitan.
Dahil dito naman siya'y nakapagliligtas na lubos sa mga nagsisilapit sa Dios sa pamamagitan niya, palibhasa'y laging nabubuhay siya upang mamagitan sa kanila.
Sapagka't nararapat sa atin ang gayong dakilang saserdoteng banal, walang sala, walang dungis, nahihiwalay sa mga makasalanan, at ginawang lalong mataas pa kay sa mga langit;
Na hindi nangangailangan araw-araw na maghandog ng hain, na gaya niyaong mga dakilang saserdote una-una'y patungkol sa kaniyang sariling mga kasalanan at saka patungkol sa mga kasalanan ng bayan: sapagka't ito'y ginawa niyang minsan magpakailan man, nang kaniyang ihandog ang kaniyang sarili.
Sapagka't inilagay ng kautusan na mga dakilang saserdote ang mga taong may kahinaan; nguni't ang salita ng sumpa na kasunod ng kautusan ay siyang naglalagay sa Anak, na sakdal magpakailan man.