Dinggin ninyo, Oh ninyong mga hari; pakinggan ninyo, Oh ninyong mga prinsipe; Ako, ako'y aawit sa Panginoon, Ako'y aawit ng pagpupuri sa Panginoon, na Dios ng Israel.
Panginoon, nang ikaw ay lumabas sa Seir, Nang ikaw ay yumaon mula sa bukid ng Edom, Ang lupa'y nayanig, ang langit naman ay pumatak, Oo, ang mga alapaap ay nagpatak ng tubig.
Sa mga kaarawan ni Samgar na anak ni Anat, Sa mga kaarawan ni Jael, ang mga paglalakbay ay naglikat, At ang mga manglalakbay ay bumagtas sa mga lihis na landas.
Sila'y nagsipili ng mga bagong dios; Nang magkagayo'y nagkaroon ng digma sa mga pintuang-bayan: May nakita kayang kalasag o sibat sa apat na pung libo sa Israel?
Malayo sa ingay ng mga manghuhutok, sa mga dakong igiban ng tubig, Doon sila magpapanibagong magsanay sa mga matuwid na gawa ng Panginoon, Ng mga matuwid na gawa ng kaniyang pagpupuno sa Israel. Bumaba nga ang bayan ng Panginoon sa mga pintuang-bayan.
Gumising ka, gumising ka, Debora; gumising ka, gumising ka, bumigkas ka ng awit: Bumangon ka, Barac, at ihatid mo ang iyong mga bihag, ikaw na anak ni Abinoam.
Sa Ephraim nangagmula silang nasa Amalec ang ugat; Sa likuran mo, ay ang Benjamin, na kasama ng iyong mga bayan; Sa Machir nangagmula ang mga gobernador, At sa Zabulon yaong nangaghahawak ng tungkod ng pagpupuno.
At ang mga prinsipe sa Issachar ay kasama ni Debora; Na kung paano si Issachar ay gayon si Barac, Sa libis nagsisubasob sa kaniyang paanan. Sa tabi ng mga agusan ng tubig ng Ruben ay nagkaroon ng mga dakilang pasiya ng puso.
Bakit ka nakaupo sa gitna ng mga kulungan ng tupa, Upang makinig ba ng mga tawag sa mga kawan? Sa agusan ng tubig ng Ruben Nagkaroon ng mga dakilang pasiya ng puso.
Ang Galaad ay tumahan sa dako roon ng Jordan: At ang Dan, bakit siya'y natira sa mga sasakyan sa tubig? Ang Aser ay nanatili sa mga baybayin ng dagat, At nanahan sa kaniyang mga daong.
Ang mga hari ay nagsiparito at nagsilaban; Nang magkagayo'y nagsilaban ang mga hari ng Canaan, Sa Taanach na nasa tabi ng tubig sa Megiddo: Sila'y hindi nagdala ng mga pakinabang na salapi.
Sumpain ninyo si Meroz, sabi ng anghel ng Panginoon, Sumpain ninyo ng kapaitpaitan ang mga tagaroon sa kaniya; Sapagka't sila'y hindi naparoon na tumulong sa Panginoon, Na tumulong sa Panginoon, laban sa mga makapangyarihan.
Kaniyang hinawakan ng kaniyang kamay ang tulos, At ng kaniyang kanang kamay ang pamukpok ng mga manggagawa; At sa pamamagitan ng pamukpok ay kaniyang sinaktan si Sisara, pinalagpasan niya sa kaniyang ulo, Oo, kaniyang tinarakan at pinalagpasan ang kaniyang pilipisan.
Sa kaniyang paanan ay nasubasob, siya'y nabuwal, siya'y nalugmok: Sa kaniyang paanan siya'y nasubasob, siya'y nabuwal. Kung saan siya sumubasob, doon siya nalugmok na patay.
Sa dungawan ay sumungaw, at sumigaw; Ang ina ni Sisara ay humiyaw mula sa mga silahia: Bakit kaya ang kaniyang karo ay nagluluwat ng pagdating? Bakit kaya bumabagal ang mga gulong ng kaniyang mga karo?
Hindi ba sila nakasumpong, hindi ba nila binahagi ang samsam? Isang dalaga, dalawang dalaga sa bawa't lalake; Kay Sisara ay samsam na damit na may sarisaring kulay, Samsam na sarisaring kulay ang pagkaburda, Na sarisaring kulay, na burda sa dalawang tagiliran, Na suot sa leeg ng mga bihag?
Gayon malipol ang lahat ng iyong mga kaaway, Oh Panginoon: Nguni't yaong mga umiibig sa kaniya ay maging parang araw pagka lumalabas sa kaniyang kalakasan. At ang lupain ay nagpahinga na apat na pung taon.