Sa anghel ng iglesia sa Efeso ay isulat mo: Ang mga bagay na ito ay sinasabi ng may hawak ng pitong bituin sa kaniyang kanang kamay, na yaong lumalakad sa gitna ng pitong kandelerong ginto:
Nalalaman ko ang iyong mga gawa, at ang iyong pagpapagal at pagtitiis, at hindi mo matiis ang masasamang tao, at sinubok mo ang mga nagpapanggap na apostol, at sila'y hindi gayon, at nasumpungan mo silang pawang bulaan;
Kaya't alalahanin mo kung saan ka nahulog, at magsisi ka at gawin mo ang iyong mga unang gawa; o kung hindi ay paririyan ako sa iyo, at aalisin ko ang iyong kandelero sa kaniyang kinalalagyan, maliban na magsisi ka.
Ang may pakinig, ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesia. Ang magtagumpay, ay siya kong pakakanin ng punong kahoy ng buhay, na nasa Paraiso ng Dios.
Nalalaman ko ang iyong kapighatian, at ang iyong kadukhaan (datapuwa't ikaw ay mayaman), at ang pamumusong ng mga nagsasabing sila'y mga Judio, at hindi sila gayon, kundi isang sinagoga ni Satanas.
Huwag mong katakutan ang mga bagay na iyong malapit ng tiisin: narito, malapit ng ilagay ng diablo ang ilan sa inyo sa bilangguan, upang kayo'y masubok; at magkakaroon kayo ng kapighatiang sangpung araw. Magtapat ka hanggang sa kamatayan, at bibigyan kita ng putong ng buhay.
Nalalaman ko kung saan ka tumatahan, sa makatuwid baga'y sa kinaroroonan ng luklukan ni Satanas; at iniingatan mong matibay ang aking pangalan, at hindi mo ikinaila ang aking pananampalataya, kahit nang mga araw man ni Antipas na aking saksi, aking taong tapat, na pinatay sa gitna ninyo, na tinatahanan ni Satanas.
Datapuwa't mayroon akong ilang bagay na laban sa iyo, sapagka't mayroon ka diyang ilan na nanghahawak sa aral ni Balaam, na siyang nagturo kay Balac na maglagay ng katisuran sa harapan ng mga anak ni Israel, upang magsikain ng mga bagay na inihahain sa mga diosdiosan, at makiapid.
Ang may pakinig, ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesia. Ang magtagumpay ay bibigyan ko ng manang natatago, at siya'y bibigyan ko ng isang batong puti, at sa bato ay may nakasulat na isang bagong pangalan, na walang nakakaalam kundi yaong tumatanggap.
At sa anghel ng iglesia sa Tiatira ay isulat mo: Ang mga bagay na ito ay sinasabi ng Anak ng Dios, na may mga matang gaya ng ningas ng apoy, at ang kaniyang mga paa ay gaya ng tansong binuli:
Nalalaman ko ang iyong mga gawa, at ang iyong pagibig, at pananampalataya at ministerio at pagtitiis, at ang iyong mga huling gawa ay higit kay sa mga una.
Datapuwa't mayroon akong laban sa iyo, na pinahintulutan mo ang babaing si Jezebel, na nagpapanggap na propetisa; at siya'y nagtuturo at humihikayat sa aking mga lingkod upang makiapid, at kumain ng mga bagay na inihahain sa mga diosdiosan.
Narito, akin siyang iniraratay sa higaan, at ang mga nakikiapid sa kaniya sa malaking kapighatian, maliban na kung sila'y magsisipagsisi sa kaniyang mga gawa.
At papatayin ko ng salot ang kaniyang mga anak; at malalaman ng lahat ng mga iglesia na ako'y yaong sumasaliksik ng mga pagiisip at ng mga puso: at bibigyan ko ang bawa't isa sa inyo ng ayon sa inyong mga gawa.
Datapuwa't sinasabi ko sa inyo, sa mga iba na nasa Tiatira, sa lahat ng walang aral na ito, na hindi nakakaalam ng malalalim na bagay ni Satanas, gaya ng sinasabi nila; hindi na ako magpapasan sa inyo ng ibang pasan.
At sila'y paghaharian niya sa pamamagitan ng isang panghampas na bakal, gaya ng pagkadurog ng mga sisidlang lupa ng magpapalyok; gaya naman ng tinanggap ko sa aking Ama: