Home Read TagAngBiblia Ps.111 Psalms 111 Purihin ninyo ang Panginoon. Ako'y magpapasalamat sa Panginoon ng aking buong puso, sa kapulungan ng matuwid, at sa kapisanan.
Ang mga gawa ng Panginoon ay dakila, siyasat ng lahat na nagtatamo ng kaligayahan diyan.
Ang kaniyang gawa ay karangalan at kamahalan: at ang kaniyang katuwiran ay nananatili magpakailan man.
Kaniyang ginawa ang kaniyang mga kababalaghang gawa upang alalahanin: ang Panginoon ay mapagbiyaya at puspos ng kahabagan.
Siya'y nagbigay ng pagkain sa nangatatakot sa kaniya: kaniyang aalalahaning lagi ang kaniyang tipan.
Kaniyang ipinakilala sa kaniyang bayan ang kapangyarihan ng kaniyang mga gawa, sa pagbibigay niya sa kanila ng mana ng mga bansa.
Ang mga gawa ng kaniyang mga kamay ay katotohanan at kahatulan: lahat niyang mga tuntunin ay tunay.
Nangatatatag magpakailan-kailan man, mga yari sa katotohanan at katuwiran.
Siya'y nagsugo ng katubusan sa kaniyang bayan; kaniyang iniutos ang kaniyang tipan magpakailan man: banal at kagalanggalang ang kaniyang pangalan.
Ang pagkatakot sa Panginoon ay pasimula ng karunungan; may mabuting pagkaunawa ang lahat na nagsisisunod ng kaniyang mga utos. Ang kaniyang kapurihan ay nananatili magpakailan man.