At nang makita ni Balaam na kinalugdan ng Panginoon na pagpalain ang Israel, ay hindi naparoon na gaya ng una na kumita ng pamahiin, kundi kaniyang itinitig ang kaniyang mukha sa dakong ilang.
At itinaas ni Balaam ang kaniyang mga mata, at kaniyang nakita ang Israel na tumatahan ayon sa kanilang mga lipi; at ang Espiritu ng Dios ay sumakaniya.
Siya'y nagsabi na nakarinig ng mga salita ng Dios, Na nakakita ng pangitain ng Makapangyarihan sa lahat, Na nalulugmok at nakadilat ang kaniyang mga mata:
Gaya ng mga libis na nalalatag, Gaya ng mga halamanan sa tabi ng ilog, Gaya ng linaloes na itinanim ng Panginoon, Gaya ng mga puno ng sedro sa siping ng tubig.
Tubig ay aagos mula sa kaniyang pang-igib, At ang kaniyang binhi ay matatatag sa maraming tubig, At ang kaniyang hari ay tataas ng higit kay Agag, At ang kaniyang kaharian ay mababantog.
Dios ang naglalabas sa kaniya sa Egipto; May lakas na gaya ng mabangis na toro: Kaniyang lalamunin ang mga bansa na kaniyang mga kaaway, At kaniyang pagwawaraywarayin ang kanilang mga buto, At palalagpasan sila ng kaniyang mga pana.
Siya'y yumuko, siya'y lumugmok na parang leon, At parang isang leong babae; sinong gigising sa kaniya? Pagpalain nawa yaong lahat na nagpapala sa iyo, At sumpain yaong lahat na sumusumpa sa iyo.
At ang galit ni Balac ay nagningas laban kay Balaam, at pinaghampas niya ang kaniyang mga kamay; at sinabi ni Balac kay Balaam, Tinawag kita upang iyong sumpain ang aking mga kaaway, at, narito, iyong binasbasan totoo sila nitong makaitlo.
Ngayon nga ay tumakas ka sa iyong sariling dako: aking inisip na itaas kita sa dakilang karangalan; nguni't, narito, pinigil ka ng Panginoon sa karangalan.
Kahit ibigay sa akin ni Balac ang kaniyang bahay na puno ng pilak at ginto, ay hindi ko masasalangsang ang salita ng Panginoon, na gumawa ako ng mabuti o masama sa aking sariling akala; kung ano nga ang salitain ng Panginoon, ay siya kong sasalitain?
At ngayon, narito, ako'y paroroon sa aking bayan: parito ka nga, at aking ipahahayag sa iyo ang gagawin ng bayang ito sa iyong bayan sa mga huling araw.
Siya'y nagsabi, na nakarinig ng mga salita ng Dios, At nakaalam ng karunungan ng Kataastaasan, Na siyang nakakita ng pangitain ng Makapangyarihan sa lahat, Na nalulugmok at nakadilat ang kaniyang mga mata:
Aking makikita siya, nguni't hindi ngayon; Aking mapagmamasdan siya, nguni't hindi sa malapit: Lalabas ang isang bituin sa Jacob, At may isang setro na lilitaw sa Israel, At sasaktan ang mga sulok ng Moab, At lilipulin ang lahat ng mga anak ng kaguluhan.
At ang Edom ay magiging pag-aari niya. Ang Seir man ay magiging pag-aari niya, na siyang dating kaniyang mga kaaway; Samantalang ang Israel ay magpapakatapang.
At kaniyang minasdan ang Amalec, at ibinadya ang kaniyang talinhaga, at sinabi, Ang Amalec ay siyang dating panguna sa mga bansa; Nguni't ang kaniyang huling wakas ay mapupuksa.
At kaniyang minasdan ang Cineo, at ibinadya ang kaniyang talinhaga, at sinabi, Matibay ang iyong dakong tahanan, At ang iyong pugad ay nalalapag sa malaking bato.
Datapuwa't ang mga sasakyan ay manggagaling sa baybayin ng Cittim. At kanilang pagdadalamhatiin ang Assur, at kanilang pagdadalamhatiin ang Eber, At siya man ay mapupuksa.