Nguni't hayag na sinasabi ng Espiritu, na sa mga huling panahon ang iba'y magsisitalikod sa pananampalataya, at mangakikinig sa mga espiritung mapanghikayat at sa mga aral ng mga demonio,
Sa pamamagitan ng pagpapaimbabaw ng mga tao na nagsisipagsalita ng mga kasinungalingan, na hinerohan ang kanilang mga sariling budhi ng waring bakal na nagbabaga;
Na ipinagbabawal ang pagaasawa, at ipinaguutos na lumayo sa mga lamangkati, na nilalang ng Dios upang tanggapin na may pagpapasalamat ng mga nagsisisampalataya at nangakakaalam ng katotohanan.
Kung ipaalaala mo sa mga kapatid ang mga bagay na ito, ikaw ay magiging isang mabuting ministro ni Cristo Jesus, na kinandili sa mga salita ng pananampalataya at ng mabuting aral na sinusunod mo hanggang ngayon:
Sapagka't sa pagsasanay ng katawan ay may kaunting pakinabang, nguni't ang kabanalang sa lahat ng mga bagay ay pinakikinabangan, na may pangako sa buhay na ito, at sa darating.
Sapagka't dahil dito ay nagsisipagpagal kami at nagsisipagsikap, sapagka't may pagasa kami sa Dios na buhay, na siyang Tagapagligtas sa lahat ng mga tao, lalong lalo na sa mga nagsisisampalataya.
Huwag hamakin ng sinoman ang iyong kabataan; kundi ikaw ay maging uliran ng mga nagsisisampalataya, sa pananalita, sa pamumuhay, sa pagibig, sa pananampalataya, sa kalinisan.
Huwag mong pabayaan ang kaloob na nasa iyo, na sa iyo'y ibinigay sa pamamagitan ng hula, na may pagpapatong ng mga kamay ng kapulungan ng mga presbitero.
Magingat ka sa iyong sarili, at sa iyong turo. Manatili ka sa mga bagay na ito; sapagka't sa paggawa nito ay ang iyo ring sarili ang ililigtas mo at pati ng mga nagsisipakinig sa iyo.