Magsugo ka ng mga lalake na makakapaniktik sa lupain ng Canaan, na aking ibibigay sa mga anak ni Israel: isang lalake sa bawa't isa sa mga lipi ng kanilang mga magulang ay susuguin ninyo, na bawa't isa'y prinsipe sa kanila.
At kung ano ang lupain na kanilang tinatahanan, kung mabuti o masama; at kung ano ang mga bayan na kanilang tinatahanan, kung sa mga kampamento, o sa mga nakukutaan;
At kung ano ang lupain, kung mataba o payat, kung mayroong kahoy o wala. At magpakatapang kayo, at magdala kayo rito ng bunga ng lupain. Ngayon ang panahon ay panahon ng mga unang hinog na ubas.
At sila'y umakyat sa dakong Timugan, at sila'y dumating sa Hebron; at si Aimen, si Sesai at si Talmai, na mga anak ni Anac, ay nangaroon. (Ngayon ang Hebron ay natayong pitong taon bago ang Zoan sa Egipto).
At sila'y dumating sa libis ng Escol, at sila'y pumutol doon ng isang sangang may isang kumpol na ubas, at dinala sa isang pingga ng dalawa; sila'y nagdala rin ng mga granada, at mga igos.
At sila'y nagsiyaon at nagsiparoon kay Moises, at kay Aaron at sa buong kapisanan ng mga anak ni Israel, sa ilang ng Paran, sa Cades; at kanilang binigyang sagot sila, at ang buong kapisanan, at kanilang ipinakita sa kanila ang bunga ng lupain.
At kanilang isinaysay sa kaniya, at sinabi, Kami ay dumating sa lupaing yaong pinaparoonan mo sa amin, at tunay na binubukalan ng gatas at pulot; at ito ang bunga niyaon.
Gayon man ang bayan na tumitira sa lupaing yaon ay malakas, at ang mga bayan ay nakukutaan, at napakalalaki: at saka aming nakita ang mga anak ni Anac doon.
Si Amalec ay tumatahan sa lupain ng Timugan: at ang Hetheo, at ang Jebuseo, at ang Amorrheo ay tumatahan sa mga bundok: at ang Cananeo ay tumatahan sa tabi ng dagat, at sa mga pangpang ng Jordan.
At sila'y nagdala ng masamang balita tungkol sa lupaing kanilang tiniktikan, sa mga anak ni Israel, na sinasabi, Ang lupain na aming pinaroonan upang tiktikan ay isang lupain na kinakain ang mga tumatahan doon; at lahat ng bayan na aming nakita roon, ay mga taong malalaki.
At doo'y aming nakita ang mga Nefilim, ang mga anak ni Anac, na mula sa mga Nefilim: at kami sa aming sariling paningin ay naging parang mga balang, at gayon din kami sa kanilang paningin.