At sa kanila'y tatlong pangulo, na si Daniel ay isa; upang ang mga satrapang ito ay mangagbigay-alam sa kanila, at upang ang hari ay huwag magkaroon ng kapanganiban.
Nang magkagayo'y ang Daniel na ito ay natangi sa mga pangulo at sa mga satrapa, sapagka't isang marilag na espiritu ay nasa kaniya; at inisip ng hari na ilagay siya sa buong kaharian.
Nang magkagayo'y ang mga pangulo at ang mga satrapa ay nagsihanap ng maisusumbong laban kay Daniel, tungkol sa kaharian; nguni't hindi sila nangakasumpong ng anomang kadahilanan, ni kakulangan man, palibhasa'y tapat siya, walang anomang kamalian ni kakulangan nasumpungan sa kaniya.
Nang magkagayo'y sinabi ng mga lalaking ito, Hindi tayo mangakakasumpong ng anomang maisusumbong laban sa Daniel na ito, liban sa tayo'y mangakasumpong laban sa kaniya ng tungkol sa kautusan ng kaniyang Dios.
Ang lahat ng pangulo ng kaharian, ang mga kinatawan at mga satrapa, ang mga kasangguni at ang mga gobernador, ay nangagsanggunian upang magtatag ng isang palatuntunang hari sa kaharian, at upang maglagda ng isang pasiyang mahigpit, na sinomang humingi ng isang kahilingan sa kanino mang dios o tao sa loob ng tatlong pung araw, liban sa iyo, Oh hari, ihahagis sa yungib ng mga leon.
Ngayon, Oh hari, papagtibayin mo ang pasiya, at lagdaan mo ng iyong pangalan ang kasulatan upang huwag mabago ayon sa kautusan ng mga taga Media at mga taga Persia, na hindi nababago.
At nang maalaman ni Daniel na ang kasulatan ay nalagdaan ng pangalan siya'y pumasok sa kaniyang bahay (ang kaniya ngang mga dungawan ay bukas sa dakong Jerusalem); at siya'y lumuhod ng kaniyang mga tuhod na makaitlo isang araw, at dumalangin, at nagpasalamat sa harap ng kaniyang Dios, gaya ng kaniyang dating ginagawa.
Nang magkagayo'y lumapit sila, at nagsalita sa harap ng hari ng tungkol sa pasiya ng hari, Hindi ka baga naglagda ng pasiya, na bawa't tao na humingi sa kanino mang dios o tao sa loob ng tatlong pung araw, liban sa iyo, Oh hari, ihahagis sa yungib ng mga leon? Ang hari ay sumagot, at nagsabi, Ang bagay ay tunay, ayon sa kautusan ng mga taga Media at mga taga Persia, na hindi nababago.
Nang magkagayo'y nagsisagot sila, at nangagsabi sa harap ng hari, Ang Daniel na yaon na sa mga anak ng nangabihag sa Juda, hindi ka pinakukundanganan, Oh hari, o ang pasiya man na iyong nilagdaan ng pangalan, kundi dumadalangin na makaitlo isang araw.
Nang marinig nga ng hari ang mga salitang ito namanglaw na mainam, at inilagak ang kaniyang puso kay Daniel, upang iligtas siya; at kaniyang pinagsikapan hanggang sa paglubog ng araw na iligtas siya.
Nang magkagayo'y nagpisan ang mga lalaking ito sa hari at nagsabi sa hari, Talastasin mo, Oh hari, na isang kautusan ng mga taga Media, at ng mga taga Persia, na walang pasiya o palatuntunan man na pinagtitibay ng hari na mababago.
Nang magkagayo'y nagutos ang hari, at kanilang dinala si Daniel, at inihagis siya sa yungib ng mga leon. Ang hari nga ay nagsalita, at nagsabi kay Daniel, Ang iyong Dios na pinaglilingkuran mong palagi, ay siyang magliligtas sa iyo.
At isang bato ay dinala, at inilagay sa bunganga ng yungib; at tinatakan ng hari ng kaniyang singsing na panatak, at ng singsing na panatak ng kaniyang mga mahal na tao; upang walang anomang bagay ay mababago tungkol kay Daniel.
Nang magkagayo'y umuwi ang hari sa kaniyang palacio, at nagparaan ng buong gabi na nagaayuno; at wala kahit panugtog ng tugtugin na dinala sa harap niya: at ang kaniyang pagaantok ay nawala.
At nang siya'y lumapit sa yungib kay Daniel, siya'y sumigaw ng taghoy na tinig; ang hari ay nagsalita, at nagsabi kay Daniel, Oh Daniel, na lingkod ng buhay na Dios, ang iyo bagang Dios na iyong pinaglilingkurang palagi ay makapagliligtas sa iyo sa mga leon?
Ang Dios ko'y nagsugo ng kaniyang anghel, at itinikom ang mga bibig ng mga leon, at hindi nila ako sinaktan; palibhasa'y sa harap niya ay nasumpungan akong walang sala; at gayon din sa harap mo, Oh hari, wala akong ginawang kasamaan.
Nang magkagayo'y natuwang mainam ang hari, at ipinagutos na kanilang isampa si Daniel mula sa yungib. Sa gayo'y isinampa si Daniel mula sa yungib, at walang anomang sugat nasumpungan sa kaniya, sapagka't siya'y tumiwala sa kaniyang Dios.
At ang hari ay nagutos, at kanilang dinala ang mga lalaking yaon na nagsumbong laban kay Daniel, at sila'y inihagis nila sa yungib ng mga leon, sila ang kanilang mga anak, at ang kanilang mga asawa; at ang leon ay nanaig sa kanila, at pinagwaraywaray ang lahat ng kanilang buto, bago sila dumating sa kalooblooban ng yungib.
Ako'y nagpapasiya, na sa lahat ng sakop ng aking kaharian ay magsipanginig at mangatakot ang mga tao sa harap ng Dios ni Daniel; sapagka't siya ang buhay na Dios, at namamalagi magpakailan man, at ang kaniyang kaharian ay hindi magigiba; at ang kaniyang kapangyarihan ay magiging hanggang sa wakas.
Siya'y nagliligtas at nagpapalaya, at siya'y gumagawa ng mga tanda at mga kababalaghan sa langit at sa lupa, na siyang nagligtas kay Daniel mula sa kapangyarihan ng mga leon.