At namatay si Samuel; at nagpipisan ang buong Israel, at pinanaghuyan siya, at inilibing siya sa kaniyang bahay sa Rama. At bumangon si David, at lumusong sa ilang ng Paran.
At may isang lalake sa Maon, na ang mga pag-aari ay nasa Carmelo; at ang lalake ay lubhang dakila, at siya'y mayroong tatlong libong tupa, at isang libong kambing; at kaniyang ginugupitan ng balahibo ang kaniyang tupa sa Carmelo.
Ang pangalan nga ng lalake ay Nabal; at ang pangalan ng kaniyang asawa ay Abigail: at ang babae ay matalino, at may magandang pagmumukha; nguni't ang lalake ay masungit at masama sa kaniyang mga gawa; at siya'y supling sa sangbahayan ni Caleb.
At nagsugo si David ng sangpung bataan, at sinabi ni David sa mga bataan, Umahon kayo sa Carmelo, at kayo'y pumaroon kay Nabal, at batiin ninyo siya sa aking pangalan:
At ganito ang sasabihin ninyo sa kaniya na nabubuhay na maginhawa, Kapayapaan nawa ang sumaiyo, at kapayapaan nawa ang sumaiyong sangbahayan, at kapayapaan nawa ang suma lahat ng iyong tinatangkilik.
At ngayo'y aking narinig na ikaw ay nagpapagupit ng balahibo ng tupa; ang iyong mga pastor nga ay nasa sa amin, at hindi namin inano sila, o nagkulang man ng anomang bagay sa kanilang buong panahon na kanilang ikinaroon sa Carmelo.
Tanungin mo ang iyong mga bataan at kanilang sasaysayin sa iyo: kaya't makasumpong nawa ng biyaya sa iyong mga mata ang mga bataan; sapagka't kami ay naparito sa mabuting araw: isinasamo ko sa iyo, na ibigay mo ang anomang masumpungan mo ng iyong kamay, sa iyong mga lingkod, at sa iyong anak na kay David.
At sinagot ni Nabal ang mga lingkod ni David, at nagsabi, Sino si David? at sino ang anak ni Isai? maraming mga bataan ngayon sa mga araw na ito na nagsisilayas bawa't isa sa kaniyang panginoon.
Akin nga bang kukunin ang aking tinapay at ang aking tubig, at ang aking hayop na aking pinatay dahil sa aking mga manggugupit, at aking ibibigay sa mga tao na hindi ko nakikilala kung taga saan?
Sa gayo'y ang mga bataan ni David ay pumihit sa kanilang lakad, at nagsibalik, at naparoon, at isinaysay sa kaniya ang ayon sa lahat ng mga salitang ito.
At sinabi ni David sa kaniyang mga lalake, Ibigkis ng bawa't isa sa inyo ang kaniyang tabak. At nagbigkis ang bawa't isa ng kaniyang tabak; at si David ay nagbigkis din ng kaniyang tabak: at ang umahon na sumunod kay David ay may apat na raang lalake; at naiwan ang dalawang daan sa daladalahan.
Nguni't isinaysay ng isa sa mga bataan kay Abigail, na asawa ni Nabal, na sinasabi, Narito, si David ay nagsugo ng mga sugo mula sa ilang upang bumati sa ating panginoon; at kaniyang tinanggihan.
Nguni't ang mga lalake ay napakabuti sa amin, at hindi kami sinaktan, o nagkulang man ng anomang bagay habang kami ay nakikisama sa kanila, nang kami ay nasa mga parang:
Ngayon nga'y iyong alamin at dilidilihin kung ano ang iyong gagawin; sapagka't ang kasamaan ay ipinasiya na laban sa ating panginoon, at laban sa kaniyang buong sangbahayan: sapagka't siya'y isang hamak na tao, na sinoma'y hindi makapakiusap sa kaniya.
Nang magkagayo'y nagmadali si Abigail, at kumuha ng dalawang daang tinapay, at dalawang balat ng alak, at limang handang tupa, at limang takal ng trigo na sinangag, at isang daang kumpol na pasas, at dalawang daang binilong igos, at ipinagpapasan sa mga asno.
At sinabi niya sa kaniyang mga bataan, Magpauna kayo sa akin; narito ako'y susunod sa inyo. Nguni't hindi niya isinaysay sa kaniyang asawang kay Nabal.
At nagkagayon na samantalang siya'y nakasakay sa kaniyang asno at lumulusong sa isang kubling dako ng bundok na narito, si David at ang kaniyang mga lalake ay lumulusong na patungo sa kaniya, at sinalubong niya sila.
Sinabi nga ni David, Tunay na walang kabuluhang aking iningatan ang lahat na tinatangkilik ng taong yaon sa ilang, na anopa't hindi nawala ang anoman sa lahat na nauukol sa kaniya: at kaniyang iginanti sa akin ay masama sa mabuti.
Hatulan nawa ng Dios ang mga kaaway ni David, at lalo na, kung ako'y magiwan ng labis sa lahat na nauukol sa kaniya sa pagbubukang liwayway kahit isang batang lalake.
At siya'y nagpatirapa sa kaniyang mga paa at nagsabi, Mapasa akin, panginoon ko, mapasa akin ang kasamaan: at isinasamo ko sa iyo na iyong papagsalitain ang iyong lingkod sa iyong mga pakinig, at iyong dinggin ang mga salita ng iyong lingkod.
Isinasamo ko sa iyo, na ang aking panginoon ay huwag makitungo sa lalaking ito na hamak, sa makatuwid baga'y kay Nabal; sapagka't kung ano ang kaniyang pangalan ay gayon siya: Nabal ang kaniyang pangalan, at ang kamangmangan ay sumasakaniya: nguni't akong iyong lingkod, hindi nakakita sa mga bataan ng aking panginoon, na iyong sinugo.
Ngayon nga, panginoon ko, buhay ang Panginoon, at buhay ang iyong kaluluwa, yamang ikaw ay pinigil ng Panginoon sa pagbububo ng dugo, at sa panghihiganti mo ng iyong sariling kamay kaya nga ang iyong mga kaaway at yaong mga umuusig ng kasamaan sa aking panginoon ay maging gaya ni Nabal.
Isinasamo ko sa iyo na iyong ipatawad ang pagkasalangsang ng iyong lingkod: sapagka't tunay na gagawin ng Panginoon ang aking panginoon ng isang sangbahayan na tiwasay, sapagka't ibinabaka ng aking panginoon ang mga pagbabaka ng Panginoon; at ang kasamaan ay hindi masusumpungan sa iyo sa lahat ng iyong mga araw.
At bagaman bumangon ang isang lalake upang habulin ka, at usigin ang iyong kaluluwa, gayon ma'y ang kaluluwa ng aking panginoon ay matatali sa talian ng buhay na kasama ng Panginoon mong Dios; at ang mga kaluluwa ng iyong mga kaaway, ay pahihilagpusin niya, na parang mula sa gitna ng isang panghilagpos.
At mangyayari, pagka nagawa ng Panginoon sa aking panginoon ang ayon sa lahat ng mabuti na kaniyang sinalita tungkol sa iyo, at kaniyang naihalal ka na prinsipe sa Israel;
Na ito'y hindi magiging kalumbayan sa iyo o kutog man ng loob sa aking panginoon, maging ikaw ay nagbubo ng dugo sa walang kabuluhan, o gumanti ng sa kaniyang sarili ang aking panginoon: at pagka gumawa ang Panginoon ng mabuti sa aking panginoon, alalahanin mo nga ang iyong lingkod.
At purihin nawa ang iyong kabaitan, at pagpalain ka, na pumigil sa akin sa araw na ito sa pagbububo ng dugo, at sa panghihiganti ng aking sariling kamay.
Sapagka't tunay, buhay ang Panginoon, ang Dios ng Israel na siyang pumigil sa akin sa pagsakit sa iyo, kundi ka nagmadali, at pumaritong sumalubong sa akin, tunay na walang malalabi kay Nabal sa pagbubukang liwayway kahit isang batang lalake.
Sa gayo'y tinanggap ni David sa kaniyang kamay ang dinala niya sa kaniya: at sinabi niya sa kaniya, Umahon kang payapa na umuwi sa iyong bahay; tingnan mo, aking dininig ang iyong tinig, at aking tinanggap ang iyong pagkatao.
At naparoon si Abigail kay Nabal; at, narito, siya'y gumawa ng isang kasayahan sa kaniyang bahay, na gaya ng pagsasaya ng isang hari; at ang puso ni Nabal ay nagalak sa kaniyang loob, sapagka't siya'y lubhang nalango; kaya't siya'y hindi nagsaysay sa kaniya ng anoman, munti o malaki, hanggang sa pagbubukang liwayway.
At nangyari sa kinaumagahan, nang ang alak ay mapawi kay Nabal, na isinaysay ng asawa niya sa kaniya ang mga bagay na ito, at nagkasakit siya sa puso, at siya'y naging parang isang bato.
At nang mabalitaan ni David na si Nabal ay namatay, ay kaniyang sinabi, Purihin nawa ang Panginoon na siyang nagsanggalang ng aking kadustaan mula sa kamay ni Nabal, at pinigil ang kaniyang lingkod sa kasamaan: at ang masamang gawa ni Nabal ay ibinalik ng Panginoon sa kaniyang sariling ulo. At nagsugo si David upang salitain kay Abigail na kunin siya na maging asawa niya.
At nang dumating ang mga lingkod ni David kay Abigail sa Carmelo, ay kanilang sinalita sa kaniya, na sinasabi, Sinugo kami ni David sa iyo, upang kunin ka na maging asawa niya.
At siya'y bumangon at nagpatirapa sa lupa, at nagsabi, Narito, ang iyong lingkod ay isang aba upang maghugas ng mga paa ng mga lingkod ng aking panginoon.
At nagmadali si Abigail, at bumangon, at sumakay sa isang asno, na kasama ng limang dalaga niya na sumusunod sa kaniya; at siya'y sumunod sa mga sugo ni David, at naging kaniyang asawa.