I Chronicles 23

Si David nga ay matanda na at puspos ng mga araw: at ginawa niyang hari si Salomon na kaniyang anak sa Israel.
At pinisan niya ang lahat na prinsipe ng Israel, pati ang mga saserdote at ng mga Levita.
At ang mga Levita ay binilang mula sa tatlongpung taon na patanda: at ang kanilang bilang, ayon sa kanilang mga ulo, lalake't lalake, ay tatlongpu't walong libo.
Sa mga ito, dalawangpu't apat na libo ang nagsisitingin ng gawa sa bahay ng Panginoon; at anim na libo ay mga pinuno at mga hukom:
At apat na libo ay tagatanod-pinto: at apat na libo ay mangaawit sa Panginoon na may mga panugtog na aking ginawa, sabi ni David, upang ipangpuri.
At hinati sila ni David sa mga hanay ayon sa mga anak ni Levi; si Gerson, si Coath, at si Merari.
Sa mga Gersonita: si Ladan, at si Simi.
Ang mga anak ni Ladan: si Jehiel na pinuno, at si Zetham, at si Joel, tatlo.
Ang mga anak ni Simi: si Selomith, at si Haziel, at si Aran, tatlo. Ang mga ito ang mga pangulo sa mga sangbahayan ng mga magulang ni Ladan.
At ang mga anak ni Simi: si Jahath, si Zinat, at si Jeus, at si Berias. Ang apat na ito ang mga anak ni Simi.
At si Jahath ay siyang pinuno, at si Zinat ang ikalawa: nguni't si Jeus at si Berias ay hindi nagkaroon ng maraming anak; kaya't sila'y naging isang sangbahayan ng mga magulang sa isang bilang.
Ang mga anak ni Coath: si Amram, si Ishar, si Hebron, at si Uzziel, apat.
Ang mga anak ni Amram: si Aaron at si Moises: at si Aaron ay nahiwalay, upang kaniyang ariing banal ang mga kabanalbanalang bagay, niya at ng kaniyang mga anak magpakailan man, upang magsunog ng kamangyan sa harap ng Panginoon, upang mangasiwa sa kaniya, at upang bumasbas sa pamamagitan ng kaniyang pangalan, magpakailan man.
Nguni't tungkol kay Moises na lalake ng Dios, ang kaniyang mga anak ay ibinilang na lipi ni Levi.
Ang mga anak ni Moises: si Gerson at si Eliezer.
Ang mga anak ni Gerson: si Sebuel na pinuno.
At ang mga anak ni Eliezer: si Rehabia na pinuno. At si Eliezer ay hindi nagkaroon ng ibang mga anak; nguni't ang mga anak ni Rehabia ay totoong marami.
Ang mga anak ni Ishar: si Selomith na pinuno.
Ang mga anak ni Hebron: si Jeria ang pinuno, si Amarias ang ikalawa, si Jahaziel ang ikatlo, at si Jecaman ang ikaapat.
Ang mga anak ni Uzziel: si Micha ang pinuno, at si Isia ang ikalawa.
Ang mga anak ni Merari: si Mahali at si Musi. Ang mga anak ni Mahali: si Eleazar at si Cis.
At si Eleazar ay namatay, at hindi nagkaanak ng lalake, kundi mga babae lamang: at nangagasawa sa kanila ang kanilang mga kapatid na mga anak ni Cis.
Ang mga anak ni Musi: si Mahali, at si Eder, at si Jerimoth, tatlo.
Ang mga ito ang mga anak ni Levi, ayon sa mga sangbahayan ng kanilang mga magulang, sa makatuwid baga'y mga pangulo sa mga sangbahayan ng mga magulang doon sa mga nabilang, sa bilang ng mga pangalan, ayon sa kanilang mga ulo, na nagsigawa ng gawain sa paglilingkod sa bahay ng Panginoon, mula sa dalawangpung taong gulang na patanda.
Sapagka't sinabi ni David, Ang Panginoon, ang Dios ng Israel ay nagbigay ng kapahingahan sa kaniyang bayan; at siya'y tumatahan sa Jerusalem magpakailan man:
At ang mga Levita naman ay hindi na magkakailangan pang pasanin ang tabernakulo at ang lahat na kasangkapan niyaon sa paglilingkod doon.
Sapagka't ayon sa mga huling salita ni David ay nabilang ang mga anak ni Levi, mula sa dalawangpung taong gulang na patanda.
Sapagka't ang kanilang katungkulan ay tumulong sa mga anak ni Aaron sa paglilingkod sa bahay ng Panginoon, sa mga looban, at sa mga silid, at sa paglilinis ng lahat na banal na bagay, sa gawain na paglilingkod sa bahay ng Dios;
Gayon din sa tinapay na handog, at sa mainam na harina na pinakahandog na harina, maging sa mga manipis na tinapay na walang lebadura, at doon sa niluto sa kawali, at doon sa pinirito; at sa lahat na sarisaring takalan at panakal;
At upang tumayo tuwing umaga na pasalamat at pumuri sa Panginoon, at gayon din naman sa hapon;
At upang maghandog ng lahat na handog sa Panginoon na susunugin sa mga sabbath, sa mga bagong buwan, at sa mga takdang kapistahan, sa bilang alinsunod sa utos tungkol sa kanila, na palagi sa harap ng Panginoon:
At sila ang magsisipagingat ng katungkulan sa tabernakulo ng kapisanan, at ng katungkulan sa banal na dako, at ng katungkulan ng mga anak ni Aaron na kanilang mga kapatid, sa paglilingkod sa bahay ng Panginoon.