Nang araw na yaon ay bumasa sila sa aklat ni Moises sa pakinig ng bayan; at doo'y nasumpungang nakasulat, na ang Ammonita at Moabita, ay huwag papasok sa kapulungan ng Dios magpakailan man.
Sapagka't hindi nila sinalubong ang mga anak ni Israel ng tinapay at ng tubig, kundi inupahan si Balaam laban sa kanila, upang sumpain sila: gayon ma'y pinapaging pagpapala ng aming Dios ang sumpa.
Ay ipinaghanda siya ng isang malaking silid, na kinasisidlan noong una ng mga handog na harina, ng mga kamangyan, at ng mga sisidlan, at ng mga ikasangpung bahagi ng trigo, ng alak, at ng langis, na nabigay sa pamamagitan ng utos sa mga Levita, at sa mga mangaawit, at sa mga tagatanod-pinto; at ang mga handog na itataas na ukol sa mga saserdote.
Nguni't sa buong panahong ito ay wala ako sa Jerusalem: sapagka't sa ikatatlong pu't dalawang taon ni Artajerjes na hari sa Babilonia ay naparoon ako sa hari, at pagkatapos ng ilang araw ay nagpaalam ako sa hari:
At ako'y naparoon sa Jerusalem, at naalaman ko ang kasamaang ginawa ni Eliasib tungkol kay Tobias, sa paghahanda niya sa kaniya ng isang silid sa mga looban ng bahay ng Dios.
Nang magkagayo'y nagutos ako, at nilinis nila ang mga silid; at dinala ko uli roon ang mga sisidlan ng bahay ng Dios pati ng mga handog na harina at ng kamangyan.
At nahalata ko na ang mga bahagi ng mga Levita ay hindi nangabigay sa kanila; na anopa't ang mga Levita, at ang mga mangaawit na nagsisigawa ng gawain, ay nangagsitakas bawa't isa sa kanikaniyang bukid.
Nang magkagayo'y nakipagtalo ako sa mga pinuno, at sinabi ko, Bakit pinabayaan ang bahay ng Dios? At pinisan ko sila, at inilagay sa kanilang kalagayan.
At ginawa kong mga tagaingat-yaman sa mga ingatang-yaman, si Selemias na saserdote, at si Sadoc na kalihim, at sa mga Levita, si Pedaias: at kasunod nila ay si Hanan na anak ni Zaccur, na anak ni Mathanias: sapagka't sila'y nangabilang na tapat, at ang kanilang mga katungkulan ay magbahagi sa kanilang mga kapatid.
Alalahanin mo ako, Oh aking Dios, tungkol dito, at huwag mong pawiin ang aking mga mabuting gawa na aking ginawa sa ikabubuti ng bahay ng aking Dios, at sa pagganap ng kaugaliang paglilingkod doon.
Nang mga araw na yaon ay nakita ko sa Juda ang ilang nagpipisa sa mga ubasan sa sabbath, at nagdadala ng mga uhay, at nangasasakay sa mga asno; gaya naman ng alak, mga ubas, at mga higos, at lahat na sarisaring pasan, na kanilang ipinapasok sa Jerusalem sa araw ng sabbath: at ako'y nagpatotoo laban sa kanila sa kaarawan na kanilang ipinagbibili ang mga pagkain.
Doo'y nagsisitahan naman ang mga taga Tiro, na nangagpapasok ng isda, at ng sarisaring kalakal, at nangagbibili sa sabbath sa mga anak ni Juda, at sa Jerusalem.
Nang magkagayo'y nakipagtalo ako sa mga mahal na tao sa Juda, at sinabi ko sa kanila, Anong masamang bagay itong inyong ginagawa, at inyong nilalapastangan ang araw ng sabbath?
Hindi ba nagsigawa ng ganito ang inyong mga magulang, at hindi ba dinala ng ating Dios ang buong kasamaang ito sa atin, at sa bayang ito? gayon ma'y nangagdala pa kayo ng higit na pag-iinit sa Israel, sa paglapastangan ng sabbath.
At nangyari, na nang ang pintuang-bayan ng Jerusalem ay magpasimulang magdilim bago dumating ang sabbath, aking iniutos na ang mga pintuan ay sarhan, at iniutos ko na huwag nilang buksan hanggang sa makaraan ang sabbath: at ang ilan sa aking mga lingkod ay inilagay ko sa mga pintuang-bayan, upang walang maipasok na pasan sa araw ng sabbath.
Nang magkagayo'y nagpatotoo ako laban sa kanila, at nagsabi sa kanila, Bakit nagsisitigil kayo sa may kuta? kung kayo'y magsigawa uli ng ganiyan, aking pagbubuhatan ng kamay kayo. Mula nang panahong yaon ay hindi na sila naparoon pa ng sabbath.
At ako'y nagutos sa mga Levita na sila'y mangagpakalinis, at sila'y magsiparoon, at ingatan ang mga pintuang-bayan, upang ipangilin ang araw ng sabbath. Alalahanin mo ako, Oh aking Dios, dito man, at kahabagan mo ako ayon sa kalakhan ng iyong kaawaan.
At ako'y nakipagtalo sa kanila, at sinumpa ko sila, at sinaktan ko ang iba sa kanila, at sinabunutan ko sila, at pinasumpa ko sila sa pamamagitan ng Dios, na sinasabi ko, Kayo'y huwag mangagbibigay ng inyong mga anak na babae na maging asawa sa kanilang mga anak na lalake, ni magsisikuha man ng kanilang mga anak na babae sa ganang inyong mga anak na lalake, o sa inyong sarili.
Hindi ba nagkasala si Salomon na hari sa Israel sa pamamagitan ng mga bagay na ito? gayon man sa gitna ng maraming bansa ay walang haring gaya niya; at siya'y minahal ng kaniyang Dios, at ginawa siyang hari ng Dios sa buong Israel: gayon ma'y pinapagkasala rin siya ng mga babaing taga ibang lupa.
Didinggin nga ba namin kayo na inyong gawin ang lahat na malaking kasamaang ito, na sumalangsang laban sa ating Dios sa pagaasawa sa mga babaing taga ibang lupa?
Ganito ko nilinis sila sa lahat ng taga ibang lupa, at tinakdaan ko ng mga katungkulan ang mga saserdote at ang mga Levita, na bawa't isa'y sa kaniyang gawain;