At si Salomon ay bumilang ng pitong pung libong lalake upang magsipagpasan ng mga pasan, at walong pung libong lalake na mga maninibag ng bato sa mga bundok, at tatlong libo at anim na raan upang mamahala sa kanila.
At si Salomon ay nagsugo kay Hiram na hari sa Tiro, na ipinasasabi, Kung paanong iyong ginawa kay David na aking ama at pinadalhan siya ng mga sedro upang ipagtayo siya ng bahay na matirahan doon, gayon din ang gawin mo sa akin.
Narito, aking ipinagtatayo ng isang bahay ang pangalan ng Panginoon kong Dios, upang italaga sa kaniya, at upang magsunog sa harap niya ng kamangyan na may mga mainam na espesia, at maiukol sa palaging tinapay na handog, at sa mga handog na susunugin sa umaga at hapon, sa mga sabbath, at sa mga bagong buwan, at sa mga takdang kapistahan sa Panginoon naming Dios. Ito ang utos sa Israel magpakailan man.
Nguni't sinong makapagtatayo para sa kaniya ng isang bahay, dangang sa langit at sa langit ng mga langit ay hindi siya magkasiya? sino nga ako, na ipagtatayo ko siya ng isang bahay, liban sa magsunog lamang ng kamangyan sa harap niya?
Ngayon nga'y suguan mo ako ng isang lalake na bihasang manggagawa sa ginto, at sa pilak, at sa tanso, at sa bakal, at sa kulay ube, at matingkad na pula, at bughaw, at ng makauukit ng sarisaring ukit, upang makasama ng mga matalinong lalake na kasama ko sa Juda at sa Jerusalem, na itinaan ni David na aking ama.
Padalhan mo rin ako ng mga kahoy na sedro, mga kahoy na abeto, at mga kahoy na algum, na mula sa Libano, sapagka't talastas ko na ang iyong mga bataan ay matalinong pumutol ng kahoy sa Libano. At, narito, ang aking mga alipin ay sasama sa iyong mga bataan,
At narito, aking ibibigay sa iyong mga bataan, na mga mamumutol ng kahoy, ang dalawangpung libong koro ng binayong trigo, at dalawang pung libong koro ng sebada, at dalawangpung libong bath ng alak, at dalawangpung libong bath ng langis.
Nang magkagayo'y si Hiram na hari sa Tiro ay sumagot sa sulat, na kaniyang ipinadala kay Salomon, Sapagka't minamahal ng Panginoon ang kaniyang bayan, ay ginawa ka niyang hari sa kanila.
Sinabi ni Hiram bukod dito, Purihin ang Panginoon, ang Dios ng Israel, na lumikha ng langit at lupa, na nagbigay kay David na hari ng isang pantas na anak, na may bait at kaalaman, na ipagtatayo ng isang bahay ang Panginoon, at ng isang bahay ang kaniyang kaharian.
Na anak ng isang babae sa mga anak ni Dan; at ang kaniyang ama ay taga Tiro na bihasang manggagawa sa ginto, at sa pilak, sa tanso, sa bakal, sa bato, at sa kahoy, sa kulay ube, sa bughaw, at sa mainam na kayong lino, at sa matingkad na pula; upang umukit din naman ng anomang paraan ng ukit, at magmunakala ng anoman; upang magkaroon ng isang takdang dako sa kaniya na kasama ng iyong mga bihasang lalake at ng mga bihasang lalake ng aking panginoong si David na iyong ama.
At kami ay magsisiputol ng kahoy mula sa Libano, kung gaano ang iyong kakailanganin: at aming dadalhin sa iyo sa mga balsa na idadaan sa dagat hanggang sa Joppe; at iyong iaahon sa Jerusalem.
At binilang ni Salomon ang lahat na taga ibang lupa na nangasa lupain ng Israel, ayon sa bilang na ibinilang ni David na kaniyang ama sa kanila; at nasumpungan ay isang daan at limang pu't tatlong libo at anim na raan.
At kaniyang inilagay sa kanila ay pitong pung libong tagadala ng pasan, at walong pung libo na mga maninibag ng bato sa mga bundok, at tatlong libo at anim na raan na kapatas upang magayos ng gawain ng bayan.