Ezekiel 31

At nangyari nang ikalabing isang taon, nang ikatlong buwan, nang unang araw ng buwan, na ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi,
Anak ng tao, sabihin mo kay Faraon, na hari sa Egipto, at sa kaniyang karamihan: Sino ang iyong kawangis sa iyong kalakhan?
Narito, ang taga Asiria ay isang cedro sa Libano, na may magandang mga sanga, at may mayabong na lilim, at may mataas na kataasan; at ang kaniyang dulo ay nasa gitna ng mga mayabong na sanga.
Kinakandili siya ng tubig, pinalalaki siya ng kalaliman: ang kaniyang mga ilog ay nagsisiagos sa palibot ng kaniyang kinatatamnan; at kaniyang pinaaagos ang kaniyang mga bangbang ng tubig sa lahat ng punong kahoy sa parang.
Kaya't ang kaniyang kataasan ay nataas ng higit kay sa lahat na punong kahoy sa parang; at ang kaniyang mga sanga ay nagsidami, at ang kaniyang mga sanga ay nagsihaba dahil sa karamihan ng tubig, nang kaniyang pabugsuan.
Lahat ng ibon sa himpapawid ay nagsigawa ng kanilang mga pugad sa kaniyang mga sanga; at sa ilalim ng kaniyang mga sanga ay nagsipanganak ang lahat ng mga hayop sa parang; at sa kaniyang lilim ay nagsitahan ang lahat na malaking bansa.
Ganito siya gumanda sa kaniyang kalakhan, sa kahabaan ng kaniyang mga sanga: sapagka't ang kaniyang ugat ay nasa siping ng maraming tubig.
Ang mga cedro sa halamanan ng Dios hindi makapantay sa kaniya; ang mga puno ng abeto ay hindi gaya ng kaniyang mga sanga, at ang mga puno ng kastano ay hindi gaya ng kaniyang mga sanga, o may anomang punong kahoy sa halamanan ng Dios na kagaya niya sa kaniyang kagandahan.
Pinaganda ko siya sa karamihan ng kaniyang mga sanga, na anopa't lahat ng punong kahoy sa Eden, na nangasa halamanan ng Dios, nanaghili sa kaniya.
Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Sapagka't ikaw ay nataas sa kataasan, at inilagay niya ang kaniyang dulo sa gitna ng mga mayabong na sanga, at ang kaniyang puso ay nagmataas sa kaniyang pagkataas;
Aking ibibigay nga siya sa kamay ng makapangyarihan sa mga bansa; walang pagsalang siya'y susugpuin: aking pinalayas siya dahil sa kaniyang kasamaan.
At inihiwalay siya at iniwan siya, ng mga taga ibang lupa, ng kakilakilabot sa mga bansa: sa ibabaw ng mga bundok at sa lahat ng mga libis ay nangalaglag ang kaniyang mga sanga, at ang kaniyang mga sanga ay nangabali sa siping ng lahat ng mga ilog ng lupain; at bumaba ang lahat ng tao sa lupa mula sa kaniyang lilim at iniwan siya.
Sa kaniyang guho ay magsisitahan ang lahat ng mga ibon sa himpapawid, at lahat ng mga hayop sa parang ay mangapapa sa kaniyang mga sanga;
Upang walang magmataas sa kanilang kataasan sa lahat na punong kahoy sa siping ng tubig, o maglagay man ng kanilang dulo sa gitna ng mga mayabong na sanga, o ang kanila mang mga makapangyarihan ay magsitayo sa kanilang pagkataas, sa makatuwid baga'y yaong lahat na nagsisiinom ng tubig: sapagka't silang lahat ay nangabigay sa kamatayan, sa pinakamalalim na bahagi ng lupa, sa gitna ng mga anak ng tao, na kasama ng nagsibaba sa hukay.
Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Nang araw na siya'y bumaba sa Sheol ay nagpatangis ako: aking tinakpan ang kalaliman dahil sa kaniya, at pinigil ko ang mga ilog niya; at ang mga malaking ilog ay nagsitigil; at aking pinapanangis sa kaniya ang Libano, at ang lahat na punong kahoy sa parang ay nanglupaypay dahil sa kaniya.
Aking niyanig ang mga bansa sa hugong ng kaniyang pagkabuwal, nang aking ihagis siya sa Sheol na kasama ng nagsibaba sa hukay; at ang lahat na punong kahoy sa Eden, ang pili at pinakamahusay ng Libano, lahat ng nagsisiinom ng tubig ay nangaaliw sa pinakamalalim na bahagi ng lupa.
Sila rin nama'y nagsibaba sa Sheol na kasama niya sa kanila na nangapatay ng tabak; oo, silang pinakakamay niya na nagsisitahan sa kaniyang lilim sa gitna ng mga bansa.
Sino ang gaya mong ganito sa kaluwalhatian at sa kalakhan sa gitna ng mga punong kahoy sa Eden? gayon ma'y mabababa ka na kasama ng mga punong kahoy sa Eden, sa pinakamalalim na bahagi ng lupa: ikaw ay malalagay sa gitna ng mga di tuli, na kasama nila na nangapatay ng tabak. Ito'y si Faraon at ang buo niyang karamihan, sabi ng Panginoong Dios.