At nangyari nang ikalimang taon ng haring Roboam, na si Sisac na hari sa Egipto ay umahon laban sa Jerusalem, sapagka't sila'y nagsisalangsang laban sa Panginoon,
Na may isang libo at dalawang daang karo, at anim na pung libong mangangabayo. At ang bayan ay walang bilang na naparoong kasama niya mula sa Egipto; ang mga Lubim, ang mga Sukim, at ang mga taga Etiopia.
Si Semeias nga na propeta ay naparoon kay Roboam, at sa mga prinsipe ng Juda, na pagpipisan sa Jerusalem dahil kay Sisac, at nagsabi sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoon, Inyo akong pinabayaan, kaya't iniwan ko naman kayo sa kamay ni Sisac.
At nang makita ng Panginoon na sila'y nangagpakumbaba, ang salita ng Panginoon ay dumating kay Semeias, na sinasabi, Sila'y nangagpakumbaba; hindi ko gigibain sila: kundi aking bibigyan sila ng kaunting pagliligtas, at ang aking galit ay hindi mabubugso sa Jerusalem sa pamamagitan ng kamay ni Sisac.
Sa gayo'y umahon si Sisac na hari sa Egipto laban sa Jerusalem, at dinala ang mga kayamanan ng bahay ng Panginoon, at mga kayamanan ng bahay ng hari; kaniyang kinuhang lahat: kaniyang kinuha pati ng mga kalasag na ginto na ginawa ni Salomon.
At ang haring Roboam ay gumawa ng mga kalasag na tanso na kahalili ng mga yaon, at ipinagkatiwala sa mga kamay ng mga punong kawal ng bantay, na nagsisipagingat ng pintuan ng bahay ng hari.
At nangyari, na kung gaanong kadalas pumapasok ang hari sa bahay ng Panginoon, ang bantay ay naparoroon at dinadala ang mga yaon, at ibinabalik sa silid ng bantay.
At nang siya'y magpakumbaba, ang galit ng Panginoon ay nahiwalay sa kaniya, na anopa't siya'y hindi lubos na pinatay: at bukod dito'y may nasumpungan sa Juda na mga mabuting bagay.
Sa gayo'y ang haring Roboam ay nagpakalakas sa Jerusalem at naghari: sapagka't si Roboam ay may apat na pu't isang taon nang siya'y magpasimulang maghari, at siya'y nagharing labing pitong taon sa Jerusalem, na bayang pinili ng Panginoon sa lahat na lipi ng Israel, upang ilagay ang kaniyang pangalan doon: at ang pangalan ng kaniyang ina ay Naama na Ammonita.
Ang mga gawa nga ni Roboam, na una at huli, di ba nangasusulat sa kasaysayan ni Semeias na propeta at ni Iddo na tagakita, ayon sa ayos ng mga talaan ng lahi? At nagkaroong palagi ng mga digmaan si Roboam at si Jeroboam.