At sinabi ni Ruth na Moabita kay Noemi, Paparoonin mo ako ngayon sa bukid, at mamulot ng mga uhay sa likuran niyaong aking kasumpungan ng biyaya sa paningin. At sinabi niya sa kaniya, Yumaon ka, anak ko.
At siya'y yumaon at naparoon, at namulot sa bukid sa likuran ng mga mangaani: at nagkataong dumating sa bahagi ng lupa na nauukol kay Booz, na sa angkan ni Elimelech.
At, narito, si Booz ay nanggaling sa Bethlehem, at nagsabi sa mga mangaani, Ang Panginoo'y sumainyo nawa. At sila'y sumagot sa kaniya, Pagpalain ka nawa ng Panginoon.
At kaniyang sinabi, Isinasamo ko sa iyong pamulutin mo ako, at papagtipunin sa likuran ng mga mangaani sa gitna ng mga bigkis. Sa gayo'y naparoon siya at nagpatuloy, sa makatuwid baga'y mula sa umaga hanggang ngayon, liban sa siya'y nagpahingang sangdali sa bahay.
Nang magkagayo'y sinabi ni Booz kay Ruth, Di mo ba naririnig, anak ko? Huwag kang mamulot sa ibang bukid, o lumagpas man dito, kundi manahan ka ritong malapit sa piling ng aking mga alilang babae.
Itanaw mo ang iyong mga mata sa bukid na kanilang inaanihan, at sumunod ka sa kanila; di ba ibinilin ko sa mga bataan na huwag ka nilang gagalawin? At pagka ikaw ay nauuhaw, pumaroon ka sa mga banga, at uminom ka sa inigib ng mga bataan.
Nang magkagayo'y nagpatirapa siya at yumukod sa lupa, at nagsabi sa kaniya, Bakit ako nakasumpong ng biyaya sa iyong paningin na nilingap mo ako, dangang ako'y taga ibang lupa?
At si Booz ay sumagot at nagsabi sa kaniya, Ipinatalastas sa akin ang buong iyong ginawa sa iyong biyanan mula sa pagkamatay ng iyong asawa: at kung paanong iyong iniwan ang iyong ama at iyong ina, at ang lupang pinanganakan sa iyo, at ikaw ay naparito sa bayan na hindi mo nakilala nang una.
Gantihin nawa ng Panginoon ang iyong gawa, at bigyan ka nawa ng lubos na ganting pala ng Panginoon, ng Dios ng Israel, sa ilalim ng mga pakpak niyaong iyong kakanlungan.
Nang magkagayo'y kaniyang sinabi, Makasumpong nawa ako ng biyaya sa iyong paningin, panginoon ko; sapagka't ako'y iyong inaliw, at sapagka't may kagandahang loob na pinagsalitaan mo ang iyong lingkod, bagaman ako'y hindi gaya ng isa sa iyong mga alila.
At sa pagkain ay sinabi ni Booz sa kaniya, Parito ka, at kumain ka ng tinapay, at basain mo ang iyong subo sa suka. At siya'y umupo sa siping ng mga mangaani: at iniabot niya sa kaniya, ang sinangag na trigo, at siya'y kumain, at nabusog, at lumabis.
At nang siya'y tumindig upang mamulot, ay iniutos ni Booz sa kaniyang mga bataan, na sinasabi, Pamulutin ninyo siya hanggang sa gitna ng mga bigkis, at huwag ninyo siyang hiyain.
At kaniyang dinala at pumasok sa bayan: at nakita ng kaniyang biyanan ang kaniyang napamulot: at kaniyang inilabas at ibinigay sa kaniya ang lumabis sa kaniya pagkatapos na siya'y nabusog.
At sinabi ng kaniyang biyanan sa kaniya, Saan ka namulot ngayon? at saan ka gumawa? Pagpalain nawa yaong lumingap sa iyo, At itinuro niya sa kaniyang biyanan kung kanino siya gumawa, at sinabi, Ang pangalan ng lalake na aking ginawan ngayon ay Booz.
At sinabi ni Noemi sa kaniyang manugang: Pagpalain nawa siya ng Panginoon, na hindi ikinait ang kaniyang kagandahang loob sa mga buhay at sa mga patay. At sinabi ni Noemi sa kaniya, Ang lalaking yaon ay isa sa mga kamaganak na malapit natin, isang pinakamalapit na kamaganak natin.
At sinabi ni Noemi kay Ruth na kaniyang manugang, Mabuti, anak ko, na ikaw ay lumabas na kasama ng kaniyang mga alila, at huwag kang masumpungan sa ibang bukid.
Sa gayo'y nakipisang maliksi na kasiping ng mga alila ni Booz, upang mamulot hanggang sa katapusan ng pagaani ng sebada at pagaani ng trigo; at siya'y tumahang kasama ng kaniyang biyanan.