Judges 6

At ginawa ng mga anak ni Israel yaong masama sa paningin ng Panginoon: at ibinigay sila ng Panginoon sa kamay ng Madian na pitong taon.
At ang kamay ng Madian ay nanaig laban sa Israel: at dahil sa Madian ay gumawa ang mga anak ni Israel ng mga kutang nangasa bundok, at ng mga yungib, at ng mga dakong matibay.
At ganito ang nangyari, noong ang Israel ay nakapaghasik, na nagsiahon ang mga Madianita, at ang mga Amalecita, at ang mga anak sa silanganan; sila'y nagsiahon laban sa kanila;
At sila'y humantong laban sa kanila, at kanilang sinira ang bunga ng lupa, hanggang sa sila'y dumating sa Gaza, at wala silang iniwang anoman sa Israel, maging tupa, o baka man, o asno man.
Sapagka't sila'y nagsiahong dala nila ang kanilang kawan at ang kanilang mga tolda; at sila'y nagsipasok na parang balang sa karamihan; sila at ang kanilang mga kamelyo ay walang bilang: at kanilang pinasok ang lupain upang gibain.
At ang Israel ay huminang totoo dahil sa Madian; at ang mga anak ni Israel ay dumaing sa Panginoon.
At nangyari, nang dumaing sa Panginoon ang mga anak ni Israel, dahil sa Madian.
Ay nagsugo ang Panginoon ng isang propeta sa mga anak ni Israel: at kaniyang sinabi sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoon ng Dios ng Israel, Kayo'y aking iniahon mula sa Egipto, at inilabas ko kayo sa bahay ng pagkaalipin;
At pinapaging laya ko kayo sa kamay ng mga taga Egipto, at sa kamay ng mga pumipighati sa inyo, at aking pinalayas sila sa harap ninyo, at ibinigay ko sa inyo ang kanilang lupain;
At aking sinabi sa inyo, Ako ang Panginoon ninyong Dios; kayo'y huwag matatakot sa mga dios ng mga Amorrheo, na siyang lupaing inyong tinatahanan: nguni't hindi ninyo dininig ang aking tinig.
At ang anghel ng Panginoon ay naparoon at umupo sa ilalim ng encina na nasa Ophra, na kay Joas na Abiezerita: at ang kaniyang anak na si Gedeon ay pumapalo ng trigo sa ubasan, upang itago sa mga Madianita.
At napakita ang anghel ng Panginoon sa kaniya, at sinabi sa kaniya, Ang Panginoo'y sumasaiyo, ikaw lalaking makapangyarihang may tapang.
At sinabi ni Gedeon sa kaniya, Oh Panginoon ko, kung ang Panginoon ay sumasaamin, bakit nga ang lahat ng ito ay sumapit sa amin? at saan naroon ang lahat niyang kababalaghang gawa na isinaysay sa amin ng aming mga magulang, na sinasabi, Hindi ba tayo iniahon ng Panginoon mula sa Egipto? nguni't ngayo'y hiniwalayan kami ng Panginoon at ibinigay kami sa kamay ng Madian.
At tiningnan siya ng Panginoon, at sinabi, Yumaon ka sa kalakasan mong ito, at iligtas mo ang Israel sa kamay ng Madian: hindi ba kita sinugo?
At sinabi niya sa kaniya, Oh Panginoon, paanong ililigtas ko ang Israel? narito, ang aking angkan ay siyang pinakadukha sa Manases, at ako ang pinakamaliit sa bahay sangbahayan ng aking ama.
At sinabi ng Panginoon sa kaniya, Walang pagsalang ako'y sasaiyo; at iyong sasaktan ang mga Madianita na parang isang lalake.
At sinabi niya sa kaniya, Kung ngayo'y nakasumpong ako ng biyaya sa iyong paningin, ay bigyan mo nga ako ng isang tanda, na ikaw ang nakikipagusap sa akin.
Isinasamo ko sa iyo na huwag kang umalis dito, hanggang sa ako'y parito sa iyo, at ilabas ko ang aking handog, at ilapag ko sa harap mo. At kaniyang sinabi, Ako'y maghihintay hanggang sa ikaw ay bumalik.
At si Gedeon ay pumasok, at naglutong madali ng isang anak ng kambing, at ng isang efa ng harina, ng mga munting tinapay na walang lebadura: inilagay ang karne sa isang buslo, at kaniyang inilagay ang sabaw sa isang palyok, at inilabas sa kaniya sa ilalim ng encina, at inihain.
At sinabi ng anghel ng Dios sa kaniya, Kunin mo ang karne at ang mga munting tinapay na walang lebadura at ipatong mo sa batong ito at ibuhos mo ang sabaw. At kaniyang ginawang gayon.
Nang magkagayo'y iniunat ng anghel ng Panginoon ang dulo ng tungkod, na nasa kaniyang kamay, at sinalang ang karne at ang mga munting tinapay na walang lebadura; at napailanglang ang apoy sa bato, at pinugnaw ang karne at ang mga munting tinapay na walang lebadura; at ang anghel ng Panginoon ay nawala sa kaniyang paningin.
At nakita ni Gedeon na siya ang anghel ng Panginoon; at sinabi ni Gedeon, Aba, Oh Panginoon Dios! sapagka't aking nakita ang anghel ng Panginoon na mukhaan.
At sinabi ng Panginoon sa kaniya, Kapayapaan ang sumaiyo; huwag kang matakot: hindi ka mamamatay.
Nang magkagayo'y nagtayo roon si Gedeon ng isang dambana sa Panginoon, at tinawag na Jehova-salom: hanggang sa araw na ito ay nasa sa Ophra pa ng mga Abiezerita.
At nangyari nang gabi ring yaon, na sinabi ng Panginoon sa kaniya, Kunin mo ang toro ng iyong ama, ang ikalawang toro na may pitong taong katandaan, at iwasak mo ang dambana ni Baal na tinatangkilik ng iyong ama, at putulin mo ang Asera na nasa siping niyaon.
At ipagtayo mo, sa isang paraang maayos ng isang dambana ang Panginoon mong Dios sa taluktok nitong matibay na dako; at kunin mo ang ikalawang toro, at maghandog ka ng isang handog na susunugin sangpu ng kahoy ng Asera na iyong puputulin.
Nang magkagayo'y kumuha si Gedeon ng sangpung lalake sa kaniyang mga bataan, at ginawa ang ayon sa sinalita ng Panginoon sa kaniya: at nangyari, na sapagka't siya'y natakot sa sangbahayan ng kaniyang ama at sa mga lalake sa bayan, kaya't hindi niya nagawa sa araw ay kaniyang ginawa sa gabi.
At nang bumangong maaga ang mga lalake sa bayan ng kinaumagahan narito, ang dambana ni Baal ay wasak, at ang Asera na nasa siping niyaon ay putol, at ang ikalawang toro ay inihandog sa dambana na itinayo.
At sila'y nangagsalitaan, Sino ang gumawa ng bagay na ito? At nang kanilang usisain at itanong ay kanilang sinabi, Ginawa ni Gedeon na anak ni Joas ang bagay na ito.
Nang magkagayo'y sinabi kay Joas ng mga lalake sa bayan, Ilabas mo ang iyong anak upang siya'y mamatay: sapagka't kaniyang iniwasak ang dambana ni Baal, at sapagka't kaniyang pinutol ang Asera na nasa siping niyaon.
At sinabi ni Joas sa lahat na nakatayong laban sa kaniya, Ipagsasanggalang ba ninyo si Baal? o ililigtas ba ninyo siya? yaong magsasanggalang sa kaniya ay papatayin samantalang umaga pa; kung siya'y dios ay magsanggalang siya sa kaniyang sarili, sapagka't may nagwasak ng kaniyang dambana.
Kaya't nang araw na yaon ay tinawag siyang Jerobaal, na sinasabi, Magsanggalang si Baal laban sa kaniya, sapagka't iniwasak niya ang kaniyang dambana.
Nang magkagayo'y lahat ng mga Madianita, at mga Amalecita at mga anak sa silanganan ay nagpulong; at sila'y nagtuloy at humantong sa libis ng Jezreel.
Nguni't ang Espiritu ng Panginoon ay suma kay Gedeon; at humihip siya ng isang pakakak; at ang mga Abiezerita ay nangagkapisan sa kaniya.
At nagsugo ng mga sugo sa buong Manases; at sila man ay nangakipisan sa kaniya: at siya'y nagsugo ng mga sugo sa Aser, at sa Zabulon, at sa Nephtali, at sila'y umahong sumalubong sa kanila.
At sinabi ni Gedeon sa Dios, Kung iyong ililigtas ang Israel sa pamamagitan ng aking kamay, gaya ng iyong sinalita.
Narito, aking ilalagay ang isang balat na lana sa giikan; kung dumoon lamang sa balat ang hamog, at maging tuyo ang buong lupa, ay malalaman ko nga na iyong ililigtas ang Israel sa pamamagitan ng aking kamay, gaya ng iyong sinalita.
At nagkagayon: sapagka't siya'y bumangong maaga ng kinaumagahan, at hinigpit ang buong balat, at piniga ang hamog sa balat, na isang tasang malaki ng tubig.
At sinabi ni Gedeon sa Dios, Huwag magalab ang iyong galit laban sa akin, at magsasalita na lamang ako ng minsan pa: isinasamo ko sa iyo na ipasubok mo pa sa aking minsan sa pamamagitan ng balat: tuyuin mo ngayon ang balat lamang, at sa buong lupa ay magkaroon ng hamog.
At ginawang gayon ng Dios nang gabing yaon: sapagka't natuyo ang balat lamang, at nagkaroon ng hamog sa buong lupa.