Hosea 7

Nang aking pagagalingin ang Israel, ang kasamaan nga ng Ephraim ay lumitaw, at ang kasamaan ng Samaria; sapagka't sila'y nagsinungaling; at ang magnanakaw ay pumapasok, at ang pulutong ng mga tulisan ay nananamsam sa labas.
At hindi nila ginugunita sa kanilang mga puso na aking inaalaala ang lahat nilang kasamaan: ngayo'y kinukulong sila sa palibot ng kanilang sariling mga gawa; sila'y nangasa harap ko.
Kanilang pinasasaya ng kanilang kasamaan ang hari, at ng kanilang pagsisinungaling ang mga prinsipe.
Silang lahat ay mga mangangalunya; sila'y parang hurnong iniinit ng magtitinapay; siya'y tumitigil na magsulong ng apoy, mula sa paggawa ng masa hanggang sa umaasim.
Nang kaarawan ng ating hari ang mga prinsipe ay nagpakasakit sa pamamagitan ng tapang ng alak; kaniyang iniuunat ang kaniyang kamay sa mga mangduduwahagi.
Sapagka't kanilang inihanda ang kanilang puso na parang hurno, samantalang sila'y nangagaabang: ang kanilang magtitinapay ay natutulog magdamag; sa kinaumagaha'y nagniningas na parang liyab na apoy.
Silang lahat ay nangagiinit na parang hurno, at nilalamon ang kanilang mga hukom; lahat nilang hari ay nangabuwal: wala sa kanila na tumawag sa akin.
Ang Ephraim, nakikisalamuha sa mga bayan; ang Ephraim ay isang tinapay na hindi binalik.
Nilamon ng mga taga ibang lupa ang kaniyang yaman, at hindi niya nalalaman: oo, mga uban ay nasasabog sa kaniya, at hindi niya nalalaman.
At ang kapalaluan ng Israel ay nagpapatotoo sa kaniyang mukha: gayon ma'y hindi sila nanumbalik sa Panginoon nilang Dios, ni hinanap man siya nila, dahil sa lahat na ito.
At ang Ephraim ay parang isang mangmang na kalapati, na walang unawa sila'y nagsitawag sa Egipto, sila'y nagsiparoon sa Asiria.
Pagka sila'y magsisiyaon, ay aking ilaladlad ang aking lambat sa kanila; akin silang ibabagsak na parang mga ibon sa himpapawid; aking parurusahan sila, gaya ng narinig sa kanilang kapisanan.
Sa aba nila! sapagka't sila'y nagsilayas sa akin; kagibaa'y suma kanila! sapagka't sila'y nagsisalangsang laban sa akin: bagaman sila'y aking tinubos, gayon ma'y nangagsalita ng kasinungalingan sila laban sa akin.
At sila'y hindi nagsidaing sa akin ng kanilang puso, kundi sila'y nagsiangal sa kanilang mga higaan: sila'y nagpupulong dahil sa trigo at alak; sila'y nanganghimagsik laban sa akin.
Bagaman aking tinuruan at pinalakas ang kanilang mga bisig, gayon ma'y nangagisip sila ng kalikuan laban sa akin.
Sila'y nanganunumbalik, nguni't hindi sa kaniya na nasa kaitaasan: sila'y parang magdarayang busog: ang kanilang mga prinsipe ay mangabubuwal sa pamamagitan ng tabak dahil sa poot ng kanilang dila: ito ang magiging katuyaan sa kanila sa lupain ng Egipto.