Nang magkagayo'y pumasok si Jose at isinaysay kay Faraon, at sinabi, Ang aking ama, at ang aking mga kapatid, at ang kanilang mga kawan, at ang kanilang mga bakahan, at ang lahat nilang tinatangkilik, ay dumating na mula sa lupain ng Canaan; at, narito, sila'y nasa lupain ng Gosen.
At sinabi ni Faraon sa kaniyang mga kapatid, Ano ang inyong hanapbuhay? At kanilang sinabi kay Faraon, Ang iyong mga lingkod ay mga pastor, kami at gayon din ang aming mga magulang.
At kanilang sinabi kay Faraon, Upang makipamayan sa bayang ito ay naparito kami; sapagka't walang makain ang mga kawan ng iyong mga lingkod; dahil sa ang kagutom ay mahigpit sa lupain ng Canaan: ngayon nga, ay isinasamo namin sa iyo, na pahintulutan mo na ang iyong mga lingkod ay tumahan sa lupain ng Gosen.
Ang lupain ng Egipto ay nasa harap mo; sa pinakamabuti sa lupain ay patirahin mo ang iyong ama at ang iyong mga kapatid; sa lupain ng Gosen patirahin mo sila: at kung may nakikilala kang mga matalinong lalake sa kanila, ay papamahalain mo sa aking hayop.
At sinabi ni Jacob kay Faraon, Ang mga araw ng mga taon ng aking pakikipamayan ay isang daan at tatlong pung taon; kaunti at masasama ang mga naging araw ng mga taon ng aking buhay, at hindi umabot sa mga araw ng mga taon ng buhay ng aking mga magulang sa mga araw ng kanilang pakikipamayan.
At itinatag ni Jose ang kaniyang ama, at ang kaniyang mga kapatid, at sila'y binigyan ng pag-aari sa lupain ng Egipto, sa pinakamabuti sa lupain, sa lupain ng Rameses, gaya ng iniutos ni Faraon.
At pinakain ni Jose ng tinapay ang kaniyang ama, at ang kaniyang mga kapatid, at ang buong sangbahayan ng kaniyang ama, ayon sa kanikaniyang sangbahayan.
At walang tinapay sa buong lupain; sapagka't ang kagutom ay totoong malala, na ano pa't ang lupain ng Egipto, at ang lupain ng Canaan ay nanglulupaypay dahil sa kagutom.
At tinipon ni Jose ang lahat ng salapi na nasumpungan sa lupain ng Egipto, at sa lupain ng Canaan, dahil sa trigong kanilang binibili: at ipinasok ni Jose ang salapi sa bahay ni Faraon.
At nang ang salapi ay maubos na lahat sa lupain ng Egipto, at sa lupain ng Canaan, ay naparoon kay Jose ang lahat ng mga Egipcio, at nagsabi; Bigyan mo kami ng tinapay: sapagka't bakit kami mamamatay sa iyong harap? dahil sa ang aming salapi ay naubos.
At kanilang dinala ang kanilang mga hayop kay Jose, at binigyan sila ni Jose ng tinapay na pinakapalit sa mga kabayo, at sa mga kawan, at sa mga bakahan, at sa mga asno; at kaniyang pinakain sila ng tinapay na pinakapalit sa kanilang lahat na hayop sa taong yaon.
At nang matapos ang taong yaon ay naparoon sila sa kaniya ng ikalawang taon, at kanilang sinabi sa kaniya: Hindi namin ililihim sa aming panginoon, na kung paanong ang aming salapi ay naubos, at ang mga kawan ng hayop ay sa aking panginoon; wala nang naiiwan sa paningin ng aking panginoon kundi ang aming katawan at ang aming mga lupa.
Bakit nga kami mamamatay sa harap ng iyong mga mata, kami at ang aming lupa? bilhin mo ng tinapay kami at ang aming lupa at kami at ang aming lupa ay paaalipin kay Faraon: at bigyan mo kami ng binhi, upang kami ay mabuhay, at huwag mamatay, at ang lupa ay huwag masira.
Sa ganito'y binili ni Jose ang buong lupain ng Egipto para kay Faraon; sapagka't ipinagbili ng bawa't isa sa mga Egipcio ang kaniyang bukid, dahil sa ang kagutom ay totoong mahigpit sa kanila: at ang lupain ay naging kay Faraon.
Ang lupa lamang ng mga saserdote ang hindi niya nabili: sapagka't ang mga saserdote'y may bahagi kay Faraon, at kanilang kinakain ang kanilang bahagi na ibinibigay sa kanila ni Faraon; kaya hindi nila ipinagbili ang kanilang lupa.
Nang magkagayo'y sinabi ni Jose sa bayan: Narito, aking binili kayo ng araw na ito, at ang inyong lupa'y para kay Faraon: narito, ito ang ipangbibinhi ninyo, at inyong hahasikan ang lupa.
At mangyayari sa pag-aani ay inyong ibibigay ang ikalimang bahagi kay Faraon, at ang apat na bahagi ay sa inyo, sa binhi sa bukid at sa inyong pagkain, at sa inyong mga kasangbahay, at pinakapagkain sa inyong mga bata.
At kanilang sinabi, Iyong iniligtas ang aming buhay: makasumpong nawa kami ng biyaya sa paningin ng aking panginoon, at kami ay maging mga alipin ni Faraon.
At ginawang kautusan ni Jose sa lupain ng Egipto sa araw na ito, na mapapasa kay Faraon ang ikalimang bahagi, liban lamang ang lupa ng mga saserdote na hindi naging kay Faraon.
At si Jacob ay tumira sa lupain ng Egipto na labing pitong taon; kaya't ang mga araw ni Jacob, ang mga taon ng kaniyang buhay, ay isang daan at apat na pu't pitong taon.
At ang panahon ay lumalapit na dapat nang mamatay si Israel: at kaniyang tinawag ang kaniyang anak na si Jose, at sinabi niya sa kaniya, Kung ngayo'y nakasumpong ako ng biyaya sa iyong paningin, ay ilagay mo, isinasamo ko sa iyo, ang iyong kamay sa ilalim ng aking hita, at pagpakitaan mo ako ng kaawaan at katotohanan; isinasamo ko sa iyong huwag mo akong ilibing sa Egipto:
Kundi pagtulog kong kasama ng aking mga magulang ay dadalhin mo ako mula sa Egipto, at ililibing mo ako sa kanilang libingan. At kaniyang sinabi, Aking gagawin ang gaya ng iyong sabi.