Nang ikadalawangpu't tatlong taon ni Joas na anak ni Ochozias na hari sa Juda, nagpasimulang maghari si Joachaz na anak ni Jehu sa Israel sa Samaria, at nagharing labing pitong taon.
At gumawa siya ng masama sa paningin ng Panginoon, at sumunod sa mga kasalanan ni Jeroboam na anak ni Nabat, na kaniyang ipinapagkasala sa Israel; hindi niya hiniwalayan ang mga yaon.
At ang galit ng Panginoon ay nagalab laban sa Israel, at palagi niyang ibinigay sila sa kamay ni Hazael na hari sa Siria, at sa kamay ni Ben-adad na anak ni Hazael.
At si Joachaz ay dumalangin sa Panginoon, at dininig siya ng Panginoon: sapagka't nakita niya ang kapighatian ng Israel, kung paanong inapi sila ng hari sa Siria.
(At binigyan ng Panginoon ang Israel ng isang tagapagligtas, na anopa't sila'y nagsilabas na mula sa kamay ng mga taga Siria: at ang mga anak ni Israel ay nagsitahan sa kanilang mga tolda, gaya ng dati.
Gayon ma'y hindi sila nagsihiwalay sa mga kasalanan ng sangbahayan ni Jeroboam, na ipinapagkasala sa Israel, kundi nilakaran nila: at nalabi ang Asera naman na Samaria).
Sapagka't hindi siya nagiwan kay Joachaz sa mga tao liban sa limangpung nangangabayo, at sangpung karo, at sangpung libong taong lakad; sapagka't nilipol sila ng hari sa Siria, at ginawa silang parang alabok sa giikan.
Ang iba nga sa mga gawa ni Joachaz, at ang lahat niyang ginawa, at ang kaniyang kapangyarihan, di ba nangasusulat sa aklat ng mga alaala sa mga hari sa Israel?
At si Joachaz ay natulog na kasama ng kaniyang mga magulang: at inilibing nila siya sa Samaria: at si Joas na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya.
Nang ikatatlongpu't pitong taon ni Joas na hari sa Juda ay nagpasimula si Joas na anak ni Joachaz na maghari sa Israel sa Samaria, at nagharing labing anim na taon.
At siya'y gumawa ng masama sa paningin ng Panginoon; siya'y hindi humiwalay sa lahat na kasalanan ni Jeroboam na anak ni Nabat, na kaniyang ipinapagkasala sa Israel; kundi kaniyang nilakaran.
Ang iba nga sa mga gawa ni Joas, at ang lahat niyang ginawa, at ang kaniyang kapangyarihan na kaniyang ipinakipaglaban kay Amasias na hari sa Juda, hindi ba nangasusulat sa aklat ng mga alaala sa mga hari sa Israel?
At si Joas ay natulog na kasama ng kaniyang mga magulang; at si Jeroboam ay naupo sa kaniyang luklukan; at si Joas ay nalibing sa Samaria na kasama ng mga hari sa Israel.
Si Eliseo nga ay nagkasakit ng sakit na kaniyang ikinamatay: at binaba siya at iniyakan siya ni Joas na hari sa Israel, at nagsabi, Ama ko, ama ko, ang mga karo ng Israel at ang mga nangangabayo niyaon!
At sinabi niya sa hari sa Israel, Ilagay mo ang iyong kamay sa busog: at inilagay niya ang kaniyang kamay roon. At inilagay ni Eliseo ang kaniyang mga kamay sa mga kamay ng hari.
At kaniyang sinabi, Buksan mo ang dungawan sa dakong silanganan: at binuksan niya. Nang magkagayo'y sinabi ni Eliseo, Magpahilagpos ka: at siya'y nagpahilagpos. At kaniyang sinabi, Ang pana nga ng pagtatagumpay ng Panginoon, sa makatuwid baga'y ang pana ng pagtatagumpay sa Siria: sapagka't iyong sasaktan ang mga taga Siria sa Aphec, hanggang sa iyong mangalipol.
At kaniyang sinabi, Tangnan mo ang mga pana: at tinangnan niya ang mga yaon. At sinabi niya sa hari sa Israel, Humampas ka sa lupa: at siya'y humampas na makaitlo, at tumigil.
At ang lalake ng Dios ay naginit sa kaniya, at nagsabi, Marapat nga sana na iyong hampasing makalima o makaanim; sinaktan mo nga sana ang Siria hanggang sa iyong nalipol: kaya't ngayo'y sasaktan mo ang Siria na makaitlo lamang.
At nangyari, samantalang kanilang inililibing ang isang lalake, na, narito, kanilang natanaw ang isang pulutong; at kanilang inihagis ang lalake sa libingan ni Eliseo: at pagkasagi ng tao ng mga buto ni Eliseo, siya'y nabuhay uli, at tumayo sa kaniyang mga paa.
Nguni't ang Panginoo'y naawa sa kanila at nahabag sa kanila, at kaniyang pinakundanganan sila, dahil sa kaniyang tipan kay Abraham, kay Isaac, at kay Jacob, at hindi nilipol sila o pinalayas man sila sa kaniyang harapan hanggang noon.
At inalis uli ni Joas na anak ni Joachaz sa kamay ni Ben-adad na anak ni Hazael ang mga bayan na kaniyang inalis sa kamay ni Joachaz na kaniyang ama sa pakikipagdigma. Makaitlong sinaktan siya ni Joas, at binawi ang mga bayan ng Israel.