May labing anim na taon si Uzzias nang siya'y magpasimulang maghari; at siya'y nagharing limangpu't dalawang taon sa Jerusalem: at ang pangalan ng kaniyang ina ay Jecholia na taga Jerusalem.
At siya'y tumalagang hanapin ang Dios sa mga kaarawan ni Zacharias, na siyang maalam sa pangitain sa Dios: at habang kaniyang hinahanap ang Panginoon, pinagiginhawa siya ng Dios.
At siya'y lumabas at nakipagdigma laban sa mga Filisteo, at ibinagsak ang kuta ng Gath, at ang kuta ng Jabnia, at ang kuta ng Asdod; at siya'y nagtayo ng mga bayan sa lupain ng Asdod, at sa gitna ng mga Filisteo.
At ang mga Ammonita ay nagsipagbigay ng mga kaloob kay Uzzias; at ang kaniyang pangalan ay lumaganap hanggang sa pasukan ng Egipto; sapagka't siya'y lumakas na mainam.
Bukod dito'y si Uzzias ay nagtayo ng mga moog sa Jerusalem sa pintuang-bayan na nasa panulok, at sa pintuang-bayan sa libis, at sa pagliko ng kuta, at mga pinagtibay.
At siya'y nagtayo ng mga moog sa ilang, at humukay ng maraming balon, sapagka't siya'y nagkaroon ng maraming kawan; sa mababang lupa rin naman, at sa kapatagan; at siya'y may mangbubukid at manggagawa sa ubasan sa mga bundok at sa mga mabungang bukid; sapagka't siya'y may hilig sa bukiran.
Bukod dito'y si Uzzias ay may hukbo ng mga manglalaban, na nagsisilabas sa pakikipagdigma na pulupulutong ayon sa bilang ng kanilang kabilangan na ginawa ni Jehiel na kalihim, at ni Maasias na pinuno, sa kapangyarihan ni Hananias, na isa sa mga punong kawal ng hari.
At sa kapangyarihan ng kanilang kamay ay may isang maayos na hukbo, na tatlong daan at pitong libo at limang daan, na nakikipagdigmang may malakas na kapangyarihan, upang tulungan ang hari laban sa kaaway.
At ipinaghanda sila ni Uzzias sa makatuwid baga'y ang buong hukbo, ng mga kalasag, at mga sibat, at ng mga turbante, at ng mga sapyaw, at ng mga busog, at ng mga bato na ukol sa panghilagpos.
At siya'y gumawa sa Jerusalem ng mga makina, na katha ng mga bihasang tao, upang malagay sa mga moog at sa kuta upang magpahilagpos ng mga pana at mga malaking bato. At ang kaniyang pangalan ay lumaganap na mainam: sapagka't siya'y tinulungang kagilagilalas hanggang sa siya'y lumakas.
Nguni't nang siya'y lumakas, ang kaniyang puso ay nagmataas, na anopa't siya'y gumawa ng kapahamakan, at siya'y sumalangsang laban sa Panginoon niyang Dios; sapagka't siya'y pumasok sa templo ng Panginoon upang magsunog ng kamangyan sa ibabaw ng dambana ng kamangyan.
At kanilang hinadlangan si Uzzias na hari, at nagsipagsabi sa kaniya, Hindi nauukol sa iyo, Uzzias, na magsunog ng kamangyan sa Panginoon, kundi sa mga saserdote na mga anak ni Aaron, na mga itinalaga na magsunog ng kamangyan; lumabas ka sa santuario; sapagka't ikaw ay sumalangsang; ni di magiging karangalan sa iyo sa ganang Panginoong Dios.
Nang magkagayo'y si Uzzias ay naginit; at siya'y may suuban sa kaniyang kamay upang magsunog ng kamangyan; at habang siya'y nagiinit sa mga saserdote, ang ketong ay lumabas sa kaniyang noo sa harap ng mga saserdote sa bahay ng Panginoon, sa siping ng dambana ng kamangyan,
At si Azarias na punong saserdote, at ang lahat ng mga saserdote, ay nagsitingin sa kaniya, at narito, siya'y may ketong sa kaniyang noo, at kanilang itinulak siya na madalian mula roon; oo, siya nama'y nagmadaling lumabas sapagka't sinaktan siya ng Panginoon.
At si Uzzias na hari ay nagkaketong hanggang sa araw ng kaniyang kamatayan, at tumahan sa bahay na bukod dahil sa may ketong: sapagka't siya'y nahiwalay sa bahay ng Panginoon; at si Joatham na kaniyang anak ay katiwala ng bahay ng hari, na humahatol sa bayan ng lupain.
Sa gayo'y natulog si Uzzias na kasama ng kaniyang mga magulang; at inilibing nila siya na kasama ng kaniyang mga magulang sa parang na libingan na ukol sa mga hari; sapagka't kanilang sinabi, Siya'y may ketong: at si Joatham na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya.