At pagkatapos nito ay nakita ko ang apat na anghel na nakatayo sa apat na sulok ng lupa, na pinipigil ang apat na hangin ng lupa, upang huwag humihip ang hangin sa lupa, o sa dagat man, o sa anomang punong kahoy.
At nakita ko ang ibang anghel na umaakyat mula sa sikatan ng araw, na taglay ang tatak ng Dios na buhay: at siya'y sumigaw ng tinig na malakas sa apat na anghel na pinagkaloobang maipahamak ang lupa at ang dagat,
Na nagsasabi, Huwag ninyong ipahamak ang lupa, kahit ang dagat, kahit ang mga punong kahoy, hanggang sa aming matatakan sa kanilang mga noo ang mga alipin ng ating Dios.
Pagkatapos ng mga bagay na ito ay tumingin ako, at narito, ang isang lubhang karamihan na di mabilang ng sinoman, na mula sa bawa't bansa at lahat ng mga angkan at mga bayan at mga wika, na nakatayo sa harapan ng luklukan at sa harapan ng Cordero, na nangadaramtan ng mapuputing damit, at may mga palma sa kanilang mga kamay;
At ang lahat ng mga anghel ay nangakatayo sa palibot ng luklukan, at ng matatanda at ng apat na nilalang na buhay; at sila'y nangagpatirapa sa harapan ng luklukan, at nangagsisamba sa Dios,
Na nangagsasabi, Siya nawa: Pagpapala at kaluwalhatian, at karunungan, at pagpapasalamat, at karangalan, at kapangyarihan, at kalakasan, nawa ang sumaaming Dios magpakailan kailan man. Siya nawa.
At sinabi ko sa kaniya, Panginoon ko, Ikaw ang nakakaalam. At sinabi niya sa akin, Ang mga ito'y ang nanggaling sa malaking kapighatian, at nangaghugas ng kanilang mga damit, at pinaputi sa dugo ng Cordero.
Kaya't sila'y nasa harapan ng luklukan ng Dios; at nangaglilingkod sa kaniya araw at gabi sa kaniyang templo: at siyang nakaupo sa luklukan, ay lulukuban sila ng kaniyang tabernakulo.
Sapagka't ang Cordero na nasa gitna ng luklukan ay siyang magiging pastor nila, at sila'y papatnugutan sa mga bukal ng tubig ng buhay: at papahirin ng Dios ang bawa't luha ng kanilang mga mata.