Inalagaan nga ni Moises ang kawan ni Jethro na kaniyang biyanan, na saserdote sa Madian: at kaniyang pinatnubayan ang kawan sa likuran ng ilang, at napasa bundok ng Dios, sa Horeb.
At ang anghel ng Panginoon ay napakita sa kaniya, sa isang ningas ng apoy na mula sa gitna ng isang mababang punong kahoy; at siya'y nagmasid, at, narito, ang kahoy ay nagniningas sa apoy, at ang kahoy ay hindi natutupok.
At nang makita ng Panginoon na panonoorin niya, ay tinawag siya ng Dios mula sa gitna ng mababang punong kahoy, at sinabi, Moises, Moises. At kaniyang sinabi, Narito ako.
Bukod dito ay sinabi, Ako ang Dios ng iyong ama ang Dios ni Abraham, ang Dios ni Isaac, at ang Dios ni Jacob. At si Moises nga ay nagtakip ng kaniyang mukha; sapagka't siya'y natakot na tumingin sa Dios.
At sinabi ng Panginoon, Akin ngang nakita ang kadalamhatian ng aking bayan na nasa Egipto, at aking dininig ang kanilang daing dahil sa mga tagapagpaatag sa kanila; sapagka't talastas ko ang kanilang kapanglawan.
At ako'y bumaba upang iligtas sila sa kamay ng mga Egipcio at upang sila'y isampa sa isang mabuting lupain at malawak, mula sa lupaing yaon, sa isang lupaing binubukalan ng gatas at pulot sa dako ng Cananeo, at ng Hetheo, at ng Amorrheo, at ng Pherezeo, at ng Heveo at ng Jebuseo.
At kaniyang sinabi, Tunay na ako'y sasaiyo; at ito'y magiging tanda sa iyo, na ikaw ay aking sinugo: pagka iyong nailabas na sa Egipto ang bayan ay maglilingkod kayo sa Dios sa bundok na ito.
At sinabi ni Moises sa Dios, Narito, pagdating ko sa mga anak ni Israel, at sasabihin ko sa kanila, Sinugo ako sa inyo ng Dios ng inyong mga magulang; at sasabihin nila sa akin: Ano ang kaniyang pangalan? anong sasabihin ko sa kanila?
At sinabi pa ng Dios kay Moises, Ganito ang sasabihin mo sa mga anak ni Israel, Sinugo ako sa inyo ng Panginoon, ng Dios ng inyong mga magulang, ng Dios ni Abraham, ng Dios ni Isaac, at ng Dios ni Jacob: ito ang aking pangalan magpakailan man, at ito ang aking pinakaalaala sa lahat ng mga lahi.
Yumaon ka at tipunin mo ang mga matanda sa Israel, at sabihin mo sa kanila, Ang Panginoon, ang Dios ng inyong mga magulang, ang Dios ni Abraham, ni Isaac, at ni Jacob; ay napakita sa akin, na nagsasabi, tunay na kayo'y aking dinalaw, at aking nakita ang ginagawa sa inyo sa Egipto.
At aking sinabi, Aking aalisin kayo sa kapighatian sa Egipto at dadalhin ko kayo, sa lupain ng Cananeo, at ng Hetheo, at ng Amorrheo, at ng Pherezeo, at ng Heveo, at ng Jebuseo, sa isang lupaing binubukalan ng gatas at pulot.
At kanilang didinggin ang iyong tinig: at ikaw ay paroroon, ikaw at ang mga matanda sa Israel, sa hari sa Egipto, at inyong sasabihin sa kaniya, Ang Panginoon, ang Dios ng mga Hebreo, ay nakipagtagpo sa amin: at ngayo'y pahintulutan mo kami na maglakbay, na tatlong araw sa ilang, upang kami ay makapaghain sa Panginoon naming Dios.
At aking iuunat ang aking kamay, at sasaktan ko ang Egipto ng aking buong kababalaghan na aking gagawin sa gitna niyaon at pagkatapos niyaon ay pahihintulutan niya kayong yumaon.
Kundi bawa't babae ay hihingi sa kaniyang kapuwa, at sa tumatahan sa kaniyang bahay, ng mga hiyas na pilak, at mga hiyas na ginto at mga damit: at inyong ipagsusuot sa inyong mga anak na lalake at babae; at inyong sasamsaman ang mga Egipcio.