Ang hula tungkol sa Moab. Sapagka't sa isang gabi ang Ar ng Moab ay nagiba, at nawalan ng kabuluhan; sapagka't sa isang gabi ay nagiba ang Kir ng Moab, at nawalan ng kabuluhan.
Siya'y umahon sa Bayith, at sa Dibon, sa mga mataas na dako, upang umiyak: ang Moab ay umaangal sa Nebo, at sa Medeba: lahat nilang ulo ay kalbo, bawa't balbas ay gupit.
Sa kanilang mga lansangan ay nangagbibigkis sila ng kayong magaspang: sa kanilang mga bubungan, at sa kanilang mga luwal na dako, umaangal ang bawa't isa, na umiiyak ng di kawasa.
At ang Hesbon ay humihiyaw, at ang Eleale; ang kanilang tinig ay naririnig hanggang sa Jahas: kaya't ang mga lalaking nangasasakbatan sa Moab ay nagsihiyaw ng malakas; ang kaniyang kalooban ay nagugulumihanan.
Ang aking puso ay dumadaing dahil sa Moab, ang kaniyang mga mahal na tao ay nagsisitakas sa Zoar, sa Eglat-selisiyah: sapagka't sa ahunan sa Luhith ay nagsisiahon silang may iyakan: sapagka't sa daan ng Horonaim ay nagsisihagulhol sila sa kapahamakan.