Kaya nga kung mayroong anomang kasiglahan kay Cristo, kung mayroong anomang kaaliwan ng pagibig, kung mayroong anomang pakikisama ng Espiritu, kung mayroong anomang mahinahong awa at habag,
Ay lubusin ninyo ang aking katuwaan, upang kayo'y mangagkaisa ng pagiisip, mangagtaglay ng isa ring pagibig, na mangagkaisa ng akala, at isa lamang pagiisip;
Na huwag ninyong gawin ang anoman sa pamamagitan ng pagkakampikampi o sa pamamagitan ng pagpapalalo, kundi sa kababaan ng pagiisip, na ipalagay ng bawa't isa ang iba na lalong mabuti kay sa kaniyang sarili;
Kaya nga, mga minamahal ko, kung paano ang inyong laging pagsunod, na hindi lamang sa harapan ko, kundi bagkus pa ngayong ako'y wala, ay lubusin ninyo ang gawain ng inyong sariling pagkaligtas na may takot at panginginig;
Upang kayo'y maging walang sala at walang malay, mga anak ng Dios na walang dungis sa gitna ng isang lahing liko at masama, na sa gitna nila'y lumiliwanag kayong tulad sa mga ilaw sa sanglibutan,
Na nagpapahayag ng salita ng kabuhayan; upang may ipagkapuri ako sa kaarawan ni Cristo, na hindi ako tumakbo nang walang kabuluhan ni nagpagal man nang walang kabuluhan.
Nguni't nalalaman ninyo ang pagkasubok sa kaniya na gaya ng paglilingkod ng anak sa ama, ay gayon naglilingkod siyang kasama ko sa ikalalaganap ng evangelio.
Nguni't inakala kong kailangang suguin sa inyo si Epafrodito, na aking kapatid at kamanggagawa, at kapuwa kawal at inyong sugo at katiwala sa aking kailangan.
Katotohanan ngang nagkasakit siya na malapit na sa kamatayan: nguni't kinahabagan siya ng Dios; at hindi lamang siya kundi pati ako, upang ako'y huwag magkaroon ng sapinsaping kalumbayan.
Sapagka't dahil sa pagpapagal kay Cristo ay nalapit siya sa kamatayan, na isinasapanganib ang kaniyang buhay upang punan ang kakulangan sa inyong paglilingkod sa akin.