Nang magkagayo'y tumayo si Jesua na anak ni Josadec, at ang kaniyang mga kapatid na mga saserdote, at si Zorobabel na anak ni Sealthiel, at ang kaniyang mga kapatid, at itinayo ang dambana ng Dios ng Israel, upang paghandugan ng mga handog na susunugin, gaya ng nasusulat sa kautusan ni Moises, na lalake ng Dios.
At ipinatong nila ang dambana sa tungtungan niya; sapagka't ang takot ay sumakanila dahil sa mga bayan ng mga lupain: at kanilang pinaghandugan ng mga handog na susunugin sa Panginoon, sa makatuwid baga'y ng mga handog na susunugin sa umaga't hapon.
At kanilang ipinagdiwang ang kapistahan ng mga balag, gaya ng nasusulat, at naghandog ng mga handog na susunugin sa araw-araw ayon sa bilang, ayon sa ayos, gaya ng katungkulang kinakailangan sa bawa't araw;
At pagkatapos ng palaging handog na susunugin, at ng mga handog sa mga bagong buwan, at ng lahat na takdang kapistahan sa Panginoon na mga itinalaga, at ng lahat na naghandog na kusa ng kusang handog sa Panginoon.
Mula sa unang araw ng ikapitong buwan, nangagpasimula sila na nangaghandog ng mga handog na susunugin sa Panginoon: nguni't ang tatagang-baon ng templo ng Panginoon ay hindi pa nalalagay.
Sila'y nangagbigay rin naman ng salapi sa mga kantero, at sa mga anluwagi; at pagkain, at inumin, at langis, sa kanila na mga taga Sidon, at sa kanila na mga taga Tiro, upang mangagdala ng mga kahoy na sedro na mula sa Libano na paraanin sa dagat, hanggang sa Joppa ayon sa pahintulot na nangagkaroon sila kay Ciro na hari sa Persia.
Nang ikalawang taon nga ng kanilang pagparoon sa bahay ng Dios sa Jerusalem, sa ikalawang buwan, nangagpasimula si Zorobabel na anak ni Sealthiel, at si Jesua na anak ni Josadec, at ang nalabi sa kanilang mga kapatid na mga saserdote at mga Levita, at silang lahat na nagsipanggaling sa Jerusalem na mula sa pagkabihag; at inihalal ang mga Levita, mula sa dalawang pung taong gulang na patanda upang magsipamahala sa gawain sa bahay ng Panginoon.
Nakatayo nga si Jesua na kasama ng kaniyang mga anak, at ng kaniyang mga kapatid, si Cadmiel at ang kaniyang mga anak, ang mga anak ni Juda, na magkakasama, upang magsipamahala sa mga manggagawa sa bahay ng Dios: ang mga anak ni Henadad, na kasama ng kanilang mga anak at ng kanilang mga kapatid na mga Levita.
At nang ilagay ng mga manggagawa ang tatagang-baon ng templo ng Panginoon, kanilang inilagay ang mga saserdote na bihis, na may mga pakakak, at ang mga Levita na mga anak ni Asaph na may mga simbalo, upang magsipuri sa Panginoon, ayon sa alituntunin ni David na hari sa Israel.
At sila'y nagawitang isa't isa sa pagpuri at pagpapasalamat sa Panginoon, na nangagsasabi: Sapagka't siya'y mabuti, sapagka't ang kaniyang kaawaan ay magpakailan man sa Israel. At ang buong bayan ay humiyaw ng malakas, nang sila'y magsipuri sa Panginoon, sapagka't ang tatagang-baon ng bahay ng Panginoon ay nalagay.
Nguni't marami sa mga saserdote, at mga Levita, at mga pangulo ng mga sangbahayan ng mga magulang, mga matanda na nangakakita ng unang bahay, ng ang tatagang-baon ng bahay na ito ay malagay sa harap ng kanilang mga mata, ay nagsiiyak ng malakas; at marami ay nagsihiyaw ng malakas dahil sa kagalakan:
Na anopa't hindi makilala ng bayan ang kaibhan ng ingay ng hiyaw ng kagalakan sa ingay ng iyak ng bayan; sapagka't ang bayan ay humiyaw ng malakas na hiyaw, at ang ingay ay narinig sa malayo.