At sinabi uli ng hari kay Esther nang ikalawang araw sa pigingan ng alak: Ano ang iyong hingi, reina Esther? at ibibigay sa iyo: at ano ang iyong hiling? kahit kalahati ng kaharian ay ipagkakaloob.
Nang magkagayo'y sumagot, at nagsabi si Esther na reina, Kung ako'y nakasumpong ng biyaya sa iyong paningin, Oh hari, at kung kalulugdan ng hari, ipagkaloob sa akin ang aking buhay sa aking hingi at ang aking bayan sa aking hiling:
Sapagka't kami ay naipagbili, ako at ang aking bayan upang ipahamak, upang patayin, at upang lipulin. Nguni't kung kami ay naipagbili na mga pinakaaliping lalake at babae, ako'y tumahimik, bagaman hindi mababayaran ng kaaway ang bagabag sa hari.
Nang magkagayo'y nagsalita ang haring Assuero, at nagsabi kay Esther na reina: Sino siya, at saan nandoon siya, na nangangahas magbanta na gumawa ng gayon?
At ang hari ay tumindig sa pigingan ng alak sa kaniyang pagkapoot, at pumasok sa halamanan ng bahay-hari: at si Aman ay tumayo upang ipamanhik ang kaniyang buhay kay Esther na reina; sapagka't nakita niya na may kasamaang ipinasiya laban sa kaniya ang hari.
Nang magkagayo'y bumalik ang hari na mula sa halamanan ng bahay-hari hanggang sa pigingan ng alak; at si Aman ay sumubsob sa hiligan na kinaroroonan ni Esther. Nang magkagayo'y sinabi ng hari, Kaniya bang dadahasin ang reina sa harap ko sa bahay? Pagkabigkas ng salita sa bibig ng hari ay kanilang tinakpan ang mukha ni Aman.
Nang magkagayo'y sinabi ni Harbona, na isa sa kamarero na nasa harap ng hari: Narito naman, ang bibitayan na may limang pung siko ang taas, na ginawa ni Aman ukol kay Mardocheo, na siyang nagsalita sa ikabubuti ng hari, ay nakatayo sa bahay ni Aman. At sinabi ng hari, Bitayin siya roon.