Sapagka't sa maraming mga bagay tayong lahat ay nangatitisod. Kung ang sinoman ay hindi natitisod sa salita, ay isang taong sakdal ang gayon, may kaya rin namang makapigil ng buong katawan.
Kung atin ngang inilalagay ang mga preno ng kabayo sa kanilang mga bibig, upang tayo'y talimahin, ay ibinabaling din naman natin ang kanilang buong katawan.
Narito, ang mga daong naman, bagama't lubhang malalaki at itinutulak ng malalakas na hangin, gayon ma'y sa pamamagitan ng isang lubhang maliit na ugit ay napapabaling kung saan ibig ng tagaugit.
Gayon din naman ang dila ay isang maliit na sangkap, at nagpapalalo ng malalaking bagay. Narito, kung gaano kalaking gubat ang pinagaalab ng lubhang maliit na apoy!
At ang dila'y isang apoy: ang sanglibutan ng kasamaan sa ating mga sangkap ay dili iba't ang dila, na nakakahawa sa buong katawan, at pinagningas ang gulong ng katalagahan, at ang dila'y pinagniningas ng impierno.
Maaari baga, mga kapatid ko, na ang puno ng igos ay magbunga ng aseitunas, o ng mga igos ang puno ng ubas? hindi rin naman babalungan ng matamis ang maalat na tubig.
Nguni't kung kayo'y mayroong mapapait na paninibugho at pagkakampikampi sa inyong puso, ay huwag ninyong ipagmapuri at huwag magsinungaling laban sa katotohanan.
Nguni't ang karunungang buhat sa itaas, ay una-una'y malinis saka mapayapa, banayad, madaling panaingan, puspos ng kaawaan at ng mabubuting bunga, walang inaayunan, walang pagpapaimbabaw.